F2F nationwide earthquake drill kasado na sa Sept. 8

F2F nationwide earthquake drill kasado na sa Sept. 8

September 6, 2022 @ 10:33 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Matapos ang higit dalawang taon na pandemya, ikakasa na ng gobyerno ang nationwide face-to-face earthquake drills, na  naka-iskedyul sa Huwebes, Setyembre 8.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson, Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV na ang ikakasang earthquake drill ay katuwang ang lokal na pamahalaan ng Makati City.

Ang ceremonial area ay sa Ayala Property Management Corporation headquarters, aniya.

Sinabi ni Alejandro na unang tututukan ng ahensya ang Makati Business Center para “i-check ang kanilang operational plan o protocol” sa sandaling tumama ang tinatawag na Big One.

“We would like to remind the public of the preparations that we should be doing to prepare for the Big One,” aniya sa isang interbyu.

Sinabi ng opisyal ng NDRRMC na mandatory ang earthquake drill para sa lahat ng ahensya ng gobyerno at pampublikong paaralan, lalo na ngayong mas maraming estudyante ang bumalik sa personal na klase. Ngunit hinimok niya ang pribadong sektor na makilahok din.

“Gagawin namin ito quarterly para magkaroon sila ng sense of muscle memory sa mga tuntunin ng paggawa ng tugon sa panahon ng lindol,” sabi niya.

Hindi naman ititigil ang pampublikong transportasyon sa nationwide earthquake drill. RNT