Face mask, vaccination policies sa mga tourist spot, kinalos ng DOT

Face mask, vaccination policies sa mga tourist spot, kinalos ng DOT

March 7, 2023 @ 5:48 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Hindi na kasama ang pagsusuot ng  face masks at pagpapakita ng proof of full COVID-19 vaccination sa mga tourist spot sa bansa.

Ito ang nakasaad sa kamakailan lamang na  memorandum na ipinalabas ng Department of Tourism (DOT).

Sinabi ng departamento na ang pagpapagaan sa “health at safety guidelines” sa tourism establishments ay bahagi ng hakbang para sa liberalisasyon ng  COVID-19 restrictions sa bansa at makapagpapalakas sa karagdagang pagbubukas ng bansa sa mga turista at biyahero.

Sa kasalukuyan, ang pagsusuot ng face masks sa indoor at outdoor settings sa bansa ay boluntaryo, base sa  executive order na ipinalabas naman ng Malakanyang noong Oktubre ng nakaraang taon.

Binawi na rin ng  DOT Memorandum Circular 2023-0002 ang nauna nitong requirement para sa  tourism establishments na mag- install ng plastic, acrylic barriers, at dividers sa mga  designated areas.

Iping-utos din nito ang pag-alis sa  signages, visual cues, at iba pang  installations sa mandatory protocols.

Inanunsyo rin ng  DOT na hindi na ito magpapalabas pa ng Philippine Safety Seal at World Travel and Tourism Council (WTTC) Safe Travels Stamp sa mga tourism enterprises na malalaman na sumusunod sa guidelines na itinakda alinsunod sa Joint Memorandum Circular No. 21-01 na ipinalabas ng DOT at iba pang national government agencies ukol sa  Safety Seal Certification Program, at Memorandum Circular 2022-003, ayon sa pagkakabanggit.

Idagdag pa rito, ang mga  accommodation establishments  ay hindi na kailangan na isama ang  bilang, nature of work, at haba ng pananatili sa permitted guests, at maging ang pangalan ng kompanya o negosyo kasama ang empleyaydo na naka-book sa establisimyento, kapag nagsumite ng monthly reports sa Regional Offices ng DOT.

“This latest issuance on the relaxed health and safety guidelines for tourism establishments reinforces the Department of Tourism’s commitment towards addressing the economic hardships of the tourism industry brought about by the lockdowns and restrictions of the pandemic,” ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco.

“It sends the important message that, under the Marcos Administration, our country is open for tourism, and that we are keeping up with global practices on tourism operations that have already opened up worldwide,” dagdag na wika ng Kalihim.

Samantala, sa isang panayam, sinabi naman ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na bagama’t hindi na minamandato ng national government ang pagsusuot ng face masks, mananatili aniyang choice ng isang indibidwal kung gagamit siya ng face mask o hindi.

“People or us will be choosing kung tayo, sa tingin natin, kailangan mag-mask, mag-mask tayo. Kung sa tingin natin hindi naman kailangan, pwede tayong hindi mag-mask. Kailangan din syempre, lagi nating iisipin, kung tayo ay nagi-isip kung magma-mask tayo o hindi, isipin natin kung bakunado ba tayo kasi mas madaming proteksyon kung bakunado,” ani Vergeire. Kris Jose