FACE-TO-FACE CLASSES KAHIT PA ALERT LEVEL 1 AT 2

FACE-TO-FACE CLASSES KAHIT PA ALERT LEVEL 1 AT 2

June 20, 2022 @ 1:28 PM 6 days ago


Talaga namang walang kapalit ang in-person o face-to-face na klase para sa mga mag-aaral.

Hindi na natututo ang mga mag-aaral kung kasama at kaharap nila ang mga guro na lisensyado sa pagtuturo sa halip na mga magulang o guardian.

Bukod dito, mas maayos ang konsentrasyon ng mga bata sa pag-aaral sa loob ng mga silid-aralan kaysa sa mga bahay-bahay.

Nasa mga eskwela pa ang mga kompletong gamit sa pagtuturo na karaniwang wala sa loob ng mga tahanan.

Kakaunti na lamang din ang mga guro at empleyado ng mga eskwela na walang bakuna laban sa coronavirus disease-19 kaya tiyak na ligtas sa pandemya ang mga mag-aaral.

Kaya naman, sa bahagi ng Department of Education na may sakop sa kindergarten hanggang senior high school, pampubliko man o pribado, gusto na nitong gawing F2F ang mga klase.

Gayunman, hindi pa malinaw kung sisimulan ang klase sa Agosto 24, 2022.

Ngunit pinapayagan na ang mga pribadong eskwela na magbukas sa Hunyo hanggang Setyembre.

MAGULANG DAPAT ISAMA SA DESISYON

Ayon sa DepEd, kailangang pumasa sa pamantayan ng Department of Health ang F2F classes.

School Safety Assessment Tool (SSAT) ang tawag sa pamantayan na kasama na ang pahintulot ng mga local government unit.

Pero dapat na maliwanag na kasama ang mga magulang sa pagdedesisyon.

Katwiran ng mga magulang, wala namang kasiguuruhan kung responsable ang mga guro o DepEd sa pagkakasakit sa COVID-19 ng mga bata na ikadadamay rin ng mga magulang.

Kung hindi man isama ang mga magulang at may magkasakit, dapat na may responsableng iba.

Tiyak namang reresponde rito ang mga LGU sa pagdadala ng mga maysakit sa mga ospital ngunit paano kung may mamamatay na bata o magulang na nahawa sa sakit mula sa mga eskwela?

Alam naman natin kung gaano kabigat ang maospital, ang gastos lalo na, at nataon pang panahon pa ngayon ng kahirapan para sa marami.

NAGKAKASAKIT DUMARAMI

Umaamin mismo ang DOH na dumarami ang mga nagkakasakit pangunahin dahil sa pagdating ng mga uri ng COVID-19 na higit na nakahahawa kumpara sa mga nauna.

Ang BA.4 at BA.5 na sinasabing anak ng Omicron variant ang higit na madaling makahawa.

Ayon sa mga awtoridad, wala pa namang pagdami gaano ng mga naoospital at namamatay sa nasabing mga variant ngunit inaamin nilang parami nang parami ang mga naiimpeksyon.

At kung hindi mapigilan ang pagdami ng mga nagkakasakit, malamang na may posibilidad ding darami ang mamamatay.

Mula rito, dapat na maging mahigpit ang pagsusuri, lalo na ang DOH, sa kalagayang pandemya sa bansa, bago isabak ang mga bata sa F2F classes.

Hindi nga sapat na sabihing kung deklarado ang isang lugar na nasa ilalim ng Alert Level 3, awtomatikong tigil din ang F2F classes.

Yun bang === dapat na maging maagap ang DOH sa kalagayang pandemya upang hindi mapahamak ang mga bata at ang kanilang mga pamilya, kasama ang mga komunidad ng mga ito.