Face-to-face classes sa US posibleng ihinto sa Omicron surge

Face-to-face classes sa US posibleng ihinto sa Omicron surge

January 15, 2022 @ 1:13 PM 7 months ago


BOSTON – Libo-libong estudyante ang nagpoprotesta sa kalsada at sa online laban sa face-to-face classes dahil sa pagragasa ng Omicron variant sa buong United States.

Dapat umanong ibalik ang online classes habang nananalasa ang COVID-19, lalo na ang Omicron variant at Delta variant.

Itinuturing ng mga estudyante na nagiging “COVID breeding ground” o paanakan at pinagsisimulan ng maraming pagkakasakit ng mga kabataan sa Omicron at Delta variant ang mg eskwela.

Kung noon ay hindi gaanong tinatamaan ang mga kabataan sa COVID, ngayon kasama na ang marami sa kanila sa nasa isang milyong araw-araw na nagkakasakit at mahigit 2,000 namamatay araw-araw sa US, lalo ngayong nangunguna na ang Omicron variant sa pinagmumulan ng COVID.

Sa Boston, may 52,000 estudyante ang sakop ng school district habang sa Chicago, may 340,000 estudyante at sa New York, nasa 1.1 milyon.

Sa kabuuan, may 5,000 eskwela sa buong US ang nagdaraos ng face-to-face classes at nakararanas ang mga ito kung minsan ng isang buong araw na paghinto sa loob ng isang linggo dahil sa pagkakasakit ng maraming estudyante at guro.

Pinipilit ng pamahalaan na idaos ang face-to-face classes dahil nahuhuli na umano ang mga Amerikanong kabataan sa edukasyon.

Subalit higit na inaaalaala ng mga estudyante ang kanilang kalusugan na napatunayan na rin umanong nakaaapekto sa kanilang mga pamilya.

Marami umano ang nahahawaan sa loob ng mga eskwela at naiuuwi sa kanilang mga pamilya ang COVID.

Bukod sa mga daan-daan na nagpoprotesta araw-araw, mabilis din dumarami ang libo-libong sumasama sa mga online petisyon para ibalik sa online class ang mga klase.

Pinoprotesta rin nila ang labis umanong kakulangan ng proteksyon na ibinibigay ng pamahalaan sa mga guro at estudyante sa face-to-face classes. Fred Cabalbag