FACE-TO-FACE RIOTS   SA MGA PAGTITIPON  

FACE-TO-FACE RIOTS   SA MGA PAGTITIPON  

October 4, 2022 @ 3:07 PM 2 months ago


MAHILIG tayo sa sports at karaniwang dumadalo tayo sa mga ito.  

Tayo pa nga ang nagpapasimuno sa ilan sa mga ito.  

Basketball, billiard, bowling, shooting, dancing at iba pa.  

Kahit ilan sa mga ito ay dinarayo ng maraming tao, hindi naman tayo nakaranas ng magugulo na ikinasasakit o ikinapipinsala ng iba.  

Hindi rin tayo nakaririnig o nakababalita ng mga okasyon sa sports sa mahal kong Pinas na inorganisa ng iba.  

Kung meron mang mga gulo, girian, suntukan, sipaan, batuhan ng mga basyong boteng plastic ng tubig at soffdrinks lamang.  

Siyempre pa, mayroon na ring ilang binaril hanggang sa mamatay gaya ng sa basketball ngunit hindi marami ang nadamay at sa labas pa ng mga stadium isinagawa ang mga ito.  

At may mga sipaan sa posisyon sa mga may matataas na katungkulan sa iba’t ibang asosasyon sa sports sa bisa ng halalan o sa maniobra ng mga malalaking tao sa pulitika.  

180 PATAY SA INDONESIA  

Tinatalakay natin ang gulo sa sports dahil na rin sa riot ng libo-libong tao sa Indonesia kaugnay ng larong soccer.  

Nasa 180 ang iniulat na namatay habang tinitipa natin ito at libo ang nasugatan nang magkagulo sa lungsod ng Malang.  

May mga pulis pa ng namatay rin na kasama ng mga nasawi at nasugatan.  

Ilang sasakyan pa ang pinagsisira at ilan sa mga ito ang sinunog na rin, kasama ang police car.  

Naging waepek pa nga ang pagpapaputok ng tear gas ng mga pulis para mapayapa sana ang mga sangkot sa gulo na sadyang matatapang.  

Ayon kay East Java police chief Nico Afinta, nasa 42,000 katao ang nasa stadium at nasa 3,000 ang pinagmulan ng gulo.  

Nagmula umano ang mga nanggulo sa fans ng Arema FC na natalo sa iskor na 3-2 sa Persebaya Surabaya.  

Makaraang matalo ang Arema FC, sumugod at bumuhos na ang 3,000 fans nito laban sa buong team ng Persebaya Surabaya at nadamay na ang iba.  

May namatay at nasugatan sa labanan sa loob ng stadium habang namatay ang iba sa stampede ng mga tao palabas sa mga pintuan.  

Ang iba sa mga namatay ay roon na sa mga ospital na pinagdalhan sa kanila sa sobrang pagkakaroon ng mga pinsala sa katawan.  

MAGBANTAY  

Marami nang face-to-face na sports sa ating bansa at sa katunayan, dinarayo na ito ng maraming tao gaya ng sa basketball at boksing.  

Mapabarangay o mapaeskwela o mapa-stadium ang mga laro.  

Sa pagdaraos ng mga ito, kinakailangan ang sapat na pagbibigay ng seguridad, unawaan ng mga pinuno ng mga team, unawaan ng mga mamamayang nanonood at iba pa.  

Pero dapat pairalin nang husto ang patas na laban sa mga team at iwasan ang anomang pananakit o pandaraya.  

Itong mga sakitan at pandaraya karaniwan ang pinagmumulan ng mga gulo.  

Sana naman, hindi magaganap ang nakamamatay na gulo o riot sa Indonesia sa ating bansa at pairalin nang lahat ang lahat ng paraan para mapigil ito.