FACEBOOK MAGSISIBAK DIN NG MGA OBRERO; BUWISAN NA

FACEBOOK MAGSISIBAK DIN NG MGA OBRERO; BUWISAN NA

November 10, 2022 @ 12:43 PM 3 weeks ago


GAANO karami sa 87,000 obrero ang sisibakin sa trabaho ng Facebook na ngayo’y tinatawag na Meta?
Tanong ito makaraang ianunsyo mismo ni Facebook o Meta owner Mark Zuckerberg na magbabawas ito ng mga obrero dahil sa mabilis na pagbagsak o pagkalugi ng kanyang kompanya.
Nauna rito, mga Bro, pinagsisibak ni Ellon Musk ang halos kalahati ng 7,500 na empleyado nito sa Twitter sa buong mundo dahil sa pagkalugi ng $4 miyong dolyar araw-araw.
May mga tumututol sa pag-angkin ni Musk sa Twitter dahil hindi na umano kontrolado ng Twitter ang paglabas ng mga mapanirang mensahe.
At pumatol naman ang ilang malalaking kompanya na kumalas bilang advertizers nito na, siyempre pa, ikinabagsak ng kita nito.
MABILIS BUMAGSAK
Noong nakaraang taon, umabot sa $1 trilyon ang halaga ng Facebook o Meta.
Pero ngayon, nasa $250 bilyon na lamang.
Ayon kay Zuckerberg, sobra-sobra ang hiring o pagkuha nila ng mga empleyado dahil akala nila, tuloy-tuloy ang pagsirit ng nasabing kompanya o negosyong social media subalit kabaligtaran ang nagaganap ngayon.
Nilalamon umano ng Tiktok ang malaking bahagi ng mga subscriber ng Meta at nagtitipid din ang mga kompanyang nag-aadvertise sa huli dahil sa krisis pang-ekonomiya na nararanasan ng buong mundo.
Gaano nga ba karami ang tatanggalin ng Meta na obrero maging sa Pilipinas?
Tatanungin na rin natin.
Gaano karami na ang natanggal na empleyado ng Twitter sa Pinas?
Parehong may mga opisina ang Meta at Twitter sa Pinas.
PAGBUBUWIS SA SOCMED
Ang Twitter ay halagang $44 bilyon habang $250 bilyon naman ang Meta.
Sa ibang bansa, partikular ang European Union, may batas na, ang Digital Services Act, na kumokontrol sa laman at masamang kompetisyon ng mga social media at maging ang digital market media gaya ng Amazon at iba pa.
Pinagbubuwis din sila at sa katunayan, nagbayad ang Meta o Facebook sa bansang France ng mahigit 106 milyong Euro noong 2020 para sa halos 10 taong operasyon nito sa nasabing bansa. 
Ang Twitter naman, nagbayad ng 41,000 pound na buwis nang kumita ito ng 100 milyong pound sa United Kingdom. 
Binubuwisan ang mga socmed at iba pa ayon sa kanilang kita ngunit hindi sa kanilang tubo.
Sa pagkakaalam natin, mga Bro, walang binabayarang buwis ang mga ito sa Pinas.
Kung meron mang kinakaltasan ng buwis, walang iba kundi ang sahod ng mga manggagawa nila.
Maaari ring kinakaltasan sila ng mga bayarin na gaya ng mayor’s permit sa mga lugar na roon sila may itinayong opisina.
Pero partikular sa buwis, nais na rin ng ibang bansa na patawan ang mga ito ng buwis.
Kasama sa bansang nagnanaisna kumolekta ng buwis ang South Korea, India, Australia, Mexico at iba pang Latinong bansa. 
Ang Pilipinas kaya?