Facemask sa iskul, kailangan pa rin-DOH

Facemask sa iskul, kailangan pa rin-DOH

September 8, 2022 @ 12:03 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Health na kinakailangan pa ring magsuot ng face mask ang mga estudyante at guro na dadalo sa face-to-face classes kahit na inirekomenda ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang boluntaryong paggamit nito sa mga open space sa katapusan ng taon.

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang panukala ng IATF ay para sa opsyonal na pagsusuot ng face masks lamang sa mga open space o hindi mataong outdoor area na may magandang bentilasyon, basta’t bumubuti ang COVID-19 booster uptake sa bansa.

Dahil ang mga klase ay gaganapin sa loob ng eskwelahan, hindi ito saklaw ng rekomendasyon, ani Vergeire.

Kaya naman nanawagan si Vergeire sa mga magulangna tiyaking isusuot pa rin ng kanilang mga anak ang kanilang mga face mask sa mga paaralan upang maiwasan ang panganib ng impeksyon sa COVID-19.

“Kapag uuwi na lang kapag maglalaro, at maluwag naman ang lugar, walang tao, at saka na lang tayo magkaroon nitong optional wearing of mask,” dagdag pa niya.

Hinikayat din ng IATF ang mga senior citizen at immunocompromised na indibidwal na manatiling nakasuot ng face mask. RNT