Fake news peddlers hahabulin ng Robredo camp

Fake news peddlers hahabulin ng Robredo camp

June 20, 2022 @ 10:23 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng kanyang kampanya laban sa “disinformation” at kasinungalingan, kinokonsidera ng kampo ni outgoing Vice President Leni Robredo ang gumawa ng legal action laban sa mga nagpapakalat ng fake news sa social media matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30.

“Sa darating na mga linggo at buwan, tayo ay maglulunsad ng isang malawakang pagkilos at inisyatiba para tugunan at kalabanin itong paninira at paglaganap nitong fake news at kasinungalingan sa social media. Klaro na itong klase ng kalakaran ay nakakasira sa ating demokrasya at maayos na diskursong pampubliko,” ani Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.

“Pinaguusapan, kasama ng ilang grupo ng mga abogado, ang pagsasampa ng kaso laban doon sa mga tao na pinipilit na ipagpatuloy ito at posible ding laban doon sa mga mismong plataporma na nagho-host ng mga ganitong klaseng materyales gayang mga social media platforms na meron tayo sa kasalukuyan,” dagdag na pahayag nito.

Paliwanag ni Gutierrez, hindi nila ito ginagawa para lamang kay Robredo kundi para rin sa kapakanan at kabutihan ng buong bansa at ng buong lipunan.

“Kailangan mapalabas natin ‘yung totoo. Kailangan ang ating usapan ay nakabatay sa katotohanan at datos, at hindi sa fake news,” ayon kay Guttierez. Kris Jose