Fake shopping website inireklamo sa PNP, NBI

Fake shopping website inireklamo sa PNP, NBI

March 5, 2023 @ 12:01 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Humingi ng tulong sa anti-cybercrime group ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang sikat na furniture store sa Pasay City dahil sa mga naglalabasang pekeng shopping website na gumagamit ng kanilang pangalan at logo na nakapambiktima na ng mahigit 700 online buyers sa bansa.

Ito ang hinaing ng nag-iisang sikat na furniture store na matatagpuan sa Mall of Asia (MOA) na Ingvar Kamprad Elmtaryd Agunnaryd o mas kilala bilang IKEA bunsod sa kanilang napakaraming report na natanggap galing sa kanilang mga customers na naloko ng mga pekeng shopping websites na nagsasagawa ng mga ilegal na aktibidad.

Ayon sa IKEA, ang kanilang mga nabiktimang customers ay umo-order online sa mga naglipanang pekeng websites at kapag nabayaran na nila ang kanilang order sa mga ito ay hindi naman dumarating o idine-deliver sa kanila ang kanilang binayarang order.

Sa gitna ng nakakaalarmang insidente ng panloloko sa kanilang mga customers ay sinabi ni IKEA Philippines Manager Daniel Rivero na gumagawa na sila ng tamang hakbang upang matigil ang katiwalian ng mga pekeng shopping websites na ito.

Hinimok din ni Rivero ang kanilang mga customers na maging mapagmatyag at alerto sa kanilang pamimili sa online at bumili lamang ng mga items mula sa opisyal at verified IKEA website.

Nangako rin ang IKEA na kanilang ipagpapatuloy ang pagbibigay ng proteksyon sa mga customers at kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa PNP at NBI upang matugis ang mga nagkalat na pekeng websites na nakapambiktima sa kanilang mga mamimili na umabot na sa mahigit 700.

Suportado rin ng Department of Justice (DOJ) Cybercrime division sa ilalim ng pamumuno ni lawyer Angela Marie De Gracia-Cruz sa pagtake down ng mga pekeng websites at ang aksyon upang matunton ang mga scammers na may kagagawan nito.

Dagdag pa ni De Gracia-Cruz na ito lamang unang linggo ng Marso ay nasa 64 fake websites na ang naiulat na nakapambiktima ng mga customers ng IKEA Pasay kung saan ini-report ito sa kanilang headquarters sa Netherlands para sa inaasahang tulong.

Pinayuhan rin ng IKEA ang mga customers na siguraduhin lamang na nasa tunay na IKEA websites sila nakikipagtransaksyon at para makasiguro ay tingnan ang mga URLs ng sikat na tindahan na IKEA.ph, IKEA.com, at IKEA.com.ph. James I. Catapusan