FATPRO, SAGOT SA MGA KULANG NA FIRST AIDER

FATPRO, SAGOT SA MGA KULANG NA FIRST AIDER

September 1, 2022 @ 12:44 PM 1 month ago


MAGANDA ang hangarin ng Department of Labor and Employment na mas palakasin pa ang kanilang mandato para sa implementasyon ng Labor Code of the Philippines at isa nga rito ang pagbibigay ng lahat ng proteksiyon sa mga manggagawa upang makaiwas sa mga sakit at aksidente sa trabaho.

At dahil nga mahirap kontrolin ang aksidente dahil sa hindi mapigilang unsafe act o human error, eh mayroon pa ring pag-asang maisalba ang buhay ng sinomang biktima kung mayroong tinatawag na immediate care and support sa katauhan ng isang first aider bago siya dalhin o habang dinadala sa isang ospital.

Pasensiya napo dear readers, pero hindi po kasi maaaring kung sino-sino lang ang tatayong first aider sa bawat sakuna.

Mas makabubuti po na trained at competent ang magsasagawa ng immediate care. Sa Saudi Arabia, maaaring ihabla at makulong ang sinomang tutulong sa isang biktima ng aksidente kung hindi siya rehistrado at otorisadong emergency responder o paramedic ng naturang bansa. Hindi po uubra ang “Good Samaritan Law” duon. Tawagan mo na lang ang emergency hotline, iyan ang mas mabisang pagtulong na kailangang gawin ng mga miron.

Kaya napakahalaga po ang pagkakaroon ng FATPro o DOLE-Accredited First Aid Training Provider. Sasalain nito ang mga magtuturo para sa mga kandidatong First Aider. Nakapaloob ang naturang panuntunan sa department order 235-2022 ng DOLE. Mayroon itong manual of procedures para sa maayos na accreditation ng training center at certification ng mga trainee. Makipag-ugnayan po sa <oshc.dole.gov.ph> para sa detalye.
oOo

Pinasasalamatan natin in advance ang Trainovate Training Center sa pagtanggap nila ng ating paanyaya upang magkaloob ng libreng SO1 training para sa mga miyembro ng National Press Club of the Philippines at mga kapatid sa media. Maghintay lamang po ng anunsiyo ang mga interesado para sa schedule.
oOo

Ipinababatid po natin ang pasasalamat sa mga kamag-anak at kaibigan na dumalo at tumulong sa idinaos na 50th Wedding Anniversary ng aming Tatay Tony at Yolly Napule.
Happy Golden Anniversary muli, Tay at Nay.
oOo

Pagbati rin para sa mga opisyal at kasamahan nating miyembro ng National Press Club of the Philippines at mga kapatid sa media sa matagumpay na pagdaraos ng unang selebrasyon para sa “Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag” at pagpapasinaya ng Busto ni Gat. Marcelo H. del Pilar sa bakuran ng NPC noong Martes. Ang NPC ang isa sa mga nagsulong sa Kamara at Senado para maisabatas ang RA 11699 noong April 13, 2022 na nagtatakda sa August 30 kada-taon bilang opisyal na araw ng selebrasyon.

MABUHAY ANG NPC AT MABUHAY ANG MALAYANG PAMAMAHAYAG!