Favoritism sa supplier ng DepEd paiimbestigahan ni Estrada

Favoritism sa supplier ng DepEd paiimbestigahan ni Estrada

October 14, 2022 @ 1:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Jinggoy Estrada sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na imbestigahan ang sinasabing “paboritong supplier” ng Department of Education (DepEd) na palaging nakakakopo ng proyekto sa pamahalaan.

Sa kanyang liham na may petsang Oktubre 7 kay BIR Commissioner Lilia Catris Guillermo, hiniling nitong imbestigahan ang limang kompanya sa posibleng paglabag sa tax code.

Ipinalabas ni Estrada ang kopya ng liham nitong Biyernes, Oktubre 14.

“This is to request your good office for an investigation on the reported ‘Favored Suppliers’ in the Department of Education, including but not limited, to the following companies: Advance Solutions Inc. (ASI), Columbia Technologies, Inc., Reddot Imaging Philippines, Inc., Techguru Inc. and Girltekki Inc., for possible criminal violations of the National Internal Revenue Code of 1997,” aniya sa liham.

Sa unang linggo ng kasalukuyang buwan, nagpadala din si Estrada ng liham sa Commission on Audit na humihiling na magsagawa ng special audit sa ilang paboritong supplier ng DepEd.

Iniimbestigahan ng Senate blue ribbon committee ang multi-bilyong pagbili ng overpriced at outdated laptops sa DepEd na isinagawa ng Department of Budget and Management-Procurement Service.

Ayon kay Estrada na regular na nakakakuha ng kontrata ang naturang mga kompanya sa pagbebenta ng laptop at information technology na kailangan ng ahensiya.

Ibinulgar din ng Senador na nakakuha ng mahigit P6 bilyong halaga ng kontrata ang ASI nitong nakaraang administrasyon.

Ikinatuwiran naman ni DepEd Director Abram Abanil na napipili ang naturang kompanya dahil nag-aalok ito ng pinakamababang tawad. Ernie Reyes