FB groups na nang-aabuso ng mga bata, inilantad ni Hontiveros

FB groups na nang-aabuso ng mga bata, inilantad ni Hontiveros

July 20, 2022 @ 2:31 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagbabala si Senador Risa Hontiveros laban sa ilang Facebook group na nagpapakita ng malalaswang larawan at video upang abusuhin ang menor de edad na pawang labag sa batas.

Sa pahayag, tinukoy ni Hontiveros ang FB groupds na “Atabs” at “LF Kuya and Bunso” na nagsulputan sa social media na nanghihimok ng kalaswaan para sa child predators.

Aniya, ginagamit ng grup ang malalaswang larawan ng menor de  edad upang maakit ang mga predators at ginagamit ng mga nang-aabuso sa pagbebenta ng litrato at video ng bata.

“Nakakasuklam at nakakagalit na may mga taong tahasang nang-aabuso sa ating kabataan. Gamit na rin nila ang Facebook messenger or Telegram para mag-usap at magbenta ng libo-libong mga pictures at videos. Ang iba, gumagamit pa ng cloud storage tulad ng Mega dahil napakalaki ng volume,” ayon sa senador.

Dahil dito, muling ipinanawagan ni Hontiveros ang pagsasabatas ng Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) Law sa gitna ng mga kasong pang-aabuso sa bata.

“[Ito ay] para tunay na mapanagot ang mga salarin at pati ang mga social media platforms at internet intermediaries na hinahayaang lumaganap ang kabastusang ito,” aniya.

Tinukoy pa ni Hontiveros ang FB page at Youtube Channel na “Usapang Diskarte” na nagtataguyod ng kalaswaan at child grooming.

Pero, aniya, tinanggal na ang naturang accounts. Aniya, kahit tinanggal na ang naturang account, madaling makalikha muli ang abusado ng bagong account.

“Maging proactive na dapat ang mga social media platforms at messaging apps sa pagsugpo ng mga gawaing nakakapahamak sa mga bata,” giit ng senador. Ernie Reyes