FDA: Lucky Me! instant noodles, iniimbestigahan na

FDA: Lucky Me! instant noodles, iniimbestigahan na

July 8, 2022 @ 11:48 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang ulat ng pagbawi o pag-recall sa isang produkto ng noodles.

Sa inilabas na FDA Advisory ni Officer in Charge Director General Dr.Oscar Gutierrez, Jr para sa mga konsyumer, sinabing nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa food business operator upang suriin ang kanilang compliance.

Ito ay nakaraang natanggap ang ulat hinggil sa kasalukuyang ‘recall’ ng mga batch ng produktong ‘Lucky Me! Instant Pancit Canton Noodles’ sa European countries at Taiwan dahil sa pagkakaroon o presensya ng ethylene oxide sa nasabing produkto.

Sa Pilipinas, ang nasabing produkto na rehistrado sa FDA ay manufactured locally ng Monde Missing Philippines.

Ayon sa FDA, para sa kaalaman ng publiko, ang ethylene oxide ay processing aid na ginagamit para madisinfect ang mga herbs at spices.

Upang masiguro na protektado ang kalusugan ng publiko, ang paggamit ng ethylene oxide para sa mga layunin ng sterlilizing sa pagkain ay hindi pinapayagan sa European Union (EU).

Gayunman, maaaring may bakas pa mula sa mga sangkap o raw materials. Nagtakda ang EU ng maximum residue levels sa napakababang antas batay sa uri ng commodity, ayon pa sa abiso ng FDA. Jocelyn Tabangcura-Domenden