FDA, nagbabala vs men’s supplement

FDA, nagbabala vs men’s supplement

November 6, 2018 @ 8:25 AM 3 years ago


 

Manila, Philippines – Binalaan ng Food and Drug Administration (FDA) nitong Lunes ang publiko laban sa pag-inom ng men’s food supplements na nadiskubreng naglalaman ng prescription drugs para sa erectile dysfunction.

Ayon sa ulat, isang sample mula sa Bravo Male Supplement na may lot number na NU1Y617 at expiration date na March 26, 2019 ang nagpositibo sa Tadalafil, isang gamot para sa erectile dysfunction at panghihina ng mga lalaki.

Gayundin, ang MS Male Tablet Herbal Dietary Supplement na may manufacturing date na February 20, 2017 at expiration date na February 19, 2021 ay nagpositibo rin sa Nortadalafil, isang analogue compound ng Tadalafil.

Ang pagkakaroon ng Tadalafil at Nortadalafil sa mga nabanggit na male supplements ay lumalabag sa FDA Act of 2009 at Food Safety Act of 2013.

Ayon sa FDA, mayroong panganib na dulot ang mga naturang gamot na ginagamit bilang sangkap sa food and dietary supplements.

Kabilang sa mga epekto ng Tadalafil ay ang pananakit ulo, indigestion, runny nose, flushing, pagkabingi, kahirapan sa paghinga na minsa’y may naririnig na tumutunog sa tainga, pananakit ng likod, pamamanhid, panginginig ng kamay, leeg, dibdib o panga, pananakit ng kalamnan, pagkahilo at paglabo ng paningin.

Binigyang diin din ng FDA na mas malaki ang tiyansang maapektohan ang mga dati nang na-stroke at mayroong low blood at high blood pressures.

Inabisuhan ng FDA ang mga umiinom ng mga nabanggit na men’s supplement na kumunsulta sa agad sa doktor kung ang mga nabanggit na sintomas ay nararanasan.

Sa kabilang dako, sinabi naman ng Philippine Urological Association na ang pag-inom ng Tadalafil at iba pang kaparehong drugs ay kailangan lamang kung ito ay inireseta ng doktor.

Mariin namang itinanggi ng Kauffman Pharma, manufacturer ng Bravo Male Supplement, ang sinasabing gumagamit sila ng Tadalafil sa kanilang mga produkto.

Kasalukuyan nang nakikipagkoordinasyon ang kompanya sa FDA.

Para sa mga nakabili ng Bravo Male Supplement at MS Male Tablet Herbal Dietary Supplement na may partikular na manufacturing date/lot number, mabutihing makipagkoordinasyon sa FDA sa mga numerong 857-1900 local 8105 o mag-email sa email foodsafety@fda.gov.ph. /Remate News Team