FDCP, nagsalita sa take-over issue ng MMFF!

FDCP, nagsalita sa take-over issue ng MMFF!

November 21, 2020 @ 9:04 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Itinanggi ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na nais nitong i-take over ang taunang Metro Manila Film Festival (MMFF). Nag-ugat ang alingasngas nang umano’y may ‘bubwit’ daw sa Malacañang ang nagbulong na gusto ng FDCP na palawakin pa ang kapangyarihan nito.

 

“Until this moment, they (FDCP) say that hindi nila gustong kunin ang MMFF,” saad ni Senator Risa Hontiveros, na nag-sponsor ng panukalang budget ng council habang ang chair at iba pang opisyales ay katabi niya sa pagdinig.

 

Ang pagtanggi mula sa FDCP ay naganap sa Senate budget debates nang ang Senate President na si Vicente Sotto III ay nag-usisa sa pangangailangan ng revision ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas na Republic Act No. 9167 na lumikha sa council.

 

“Mayroong bubwit na nagbigay ng message dito sa amin na FDCP ang humingi ng sulat kay (Chief Presidential Legal Council) Salvador Panelo talaga at iniisip talaga nila ‘yung powers because gusto nilang kunin ‘yung MMFF para masakop nila,” pahayag ni Sotto na siyang principal author ng FDCP law.

 

Dagdag pa niya, “Iyon daw ang dahilan.”

 

Bago ito, inusisa ni Sotto ang FDCP kung kaninong idea na i-revise ang IRR of the law, na ang orihinal na IRR ay nanatiling ‘unquestioned’ labingwalong taon matapos itong mapagtibay.

 

Ipinahayag ng senador na sa mungkahing baguhin ang IRR ay kasama ang specific na probisyon na “seem to expand the powers of the FDCP granted to it by law.”  

 

Sinabi ng FDCP kay Hontiveros na siyang nagdepensa sa budget ng council na sa ‘payo’ ni Panelo sa sulat, na ang petsa ay August 13, 2019, ito’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng FDCP para baguhin at i-update ang kanilang IRR upang makompleto ang tungkulin o functions ng FDCP na tinutukoy sa R.A. 9167 “to better implement its plans and programs for the industry.”

 

Ngunit si Sen. Sotto ay nagtaka kung bakit pagkalipas ng maraming taon mula nang ang FDCP law ay naisabatas at naaprubahan, ang opisyal ng Palasyo ay bigla na lang susulat sa council.

 “May ibang motibo iyon. Hindi gagawin ni Secretary Panelo ‘yun na susulat siya after 18 years, bigla niyang naisip yung FDCP,” saad niya.

 

“The letter was just saying that they may revise the IRR. Sal Panelo was not suggesting that you revise the IRR,” dagdag pa ni Sotto.

 

Sa puntong ito ibinahagi ni Sotto na sila ng kanyang staff ay nakatanggap ng impormasyon sa isang taga-Palasyo na ang FDCP ang siyang unang sumulat kay Panelo.

 

Bilang sagot ni Hontiveros, inamin ng FDCP na sumulat sila kay Panelo ngunit itinanggi na nais nilang kunin ang MMFF.

 

“FDCP admits that indeed, the bubwit is correct about the first point that indeed it was the council which asked for the letter from Secretary Panelo,” saad niya. 

“They say that hindi nila gustong kunin ang MMFF,” dagdag pa niya.

 

Noong July, ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nag-anunsyo ng pag-alis kay FDCP chair Liza Diño bilang member ng MMFF Executive Committee dahil umano sa pagtatangkang ‘take over’ ng chairmanship nito.

 

Ang MMDA ang namamahala sa taunang MMFF. Nonie Nicasio


  •  
  •  
  •  

Loading...