Federal draft constitution ni GMA, malabo na sa Senado – Sotto

Federal draft constitution ni GMA, malabo na sa Senado – Sotto

October 9, 2018 @ 5:35 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Malabo nang maisalang ang Federal draft Constitution na inihain ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na pinagtibay ngayong Martes sa Mababang Kapulungan, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.

Sa panayam bago simula ang sesyon, sinabi ni Sotto na kawalan ng panahon ang siyang sanhi kung bakit hindi maikokonsidera ang panukalang ni Arroyo na palitan ang Saligang Batas.

“Because of time constraints, I really doubt if we will be able to consider it,” ayon kay Sotto.

Kamakailan, inihain ni Arroyo ang federal draft constitution nito na nagpapalit sa sistema ng pamahalaan mula presidential tungol sa pederal. Sa naturang draft, inalis ni Arroyo ang kapangyarihan ng bise presidente na humalili o pumalit sa president kapag namatay o nagkasakit ito.

Sa naturang panukala na pinagtibay ng Kamara, tinanggal din ni Arroyo ang term limits ng mga kongresista kaya’t wala nang hangganan ang panunungkulan nila di tulad ngayon na tatlong termino lamang.

Sa ganitong estilo, pinatay ni Arroyo ang probisyon sa 1987 Constitution hinggil sa pagbabawal sa political dynasty.

Ngunit, ayon kay Sotto, sakaling ihain muli ni Arroyo ang panukala sa pagbubukas ng Kongreso pagkatapos ng halalan sa 2019, hindi masisigurong magkakaroon ito ng tiyansang umusad.

“That is a different story. Iba nang usapan yun, we’ll see. We’ll have time to consider anything that will be forwarded to the Senate after this Congress,” ayon kay Sotto.

Kaugnay nito, iniwasan naman ni Sotto na magbigay ng komento sa panukalang imbes na bise president, papalit sa namatay o nagkasakit na president ang senate president.

“Hindi nga ako nag-comment, baka masamain,” aniya. Ernie Reyes