Feeding Program Law sa elementarya, nilagdaan ni Duterte

Feeding Program Law sa elementarya, nilagdaan ni Duterte

July 4, 2018 @ 2:09 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Naniniwala si Senador Grace Poe na wala nang magugutom na bata sa elementarya hanggang day care matapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang National Feeding Program o Republic Act No. 11037 ang Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act noong Hunyo 20.

“Inaatake ng gutom ang kaibuturan ng ating pagkatao. Mahirap ipaunawa sa mga bata kung bakit wala silang makain dahil ang totoo, may karapatan sila sa masustansyang pagkain,” aniya.

“Ito ang dahilan kung bakit mula sa aking unang araw bilang mambabatas, masigasig kong itinulak na maipasa ang batas na ito. Hindi katanggap-tanggap na hindi natin matugunan ang gutom,” dagdag niya.

Pinasalamatan ni Poe si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa batas, pati na ang kanyang mga kasamahan sa Senado at Kamara para sa kanilang pagsuportang maipasa ito.

Sinabi niyang titiyakin niyang magkakaroon ng nararapat na pondo ang nasabing batas para maging epektibo ito at makapagpabuti ng kalagayan ng mga bata.

“Isa itong pagkilala sa katotohanan na ang sapat na pagkain at mabuting nutrisyon ay napakahalaga para lumaki nang malusog at magtagumpay sa pag-aaral ang isang bata. Kapag pinakakain natin sila nang maayos, hindi lamang natin pinalulusog ang kanilang murang katawan, kung hindi ang kanilang isipan,” dagdag niya.

Itinatatag ng nasabing batas ang National Feeding Program para sa mga batang undernourished sa pampublikong paaralang elementarya, kindergarten, at day care centers.

Ang feeding program ay ipatutupad nang may tatlong bahagi:

– School-based Feeding Program. Ang mga batang undernourished mula Kindergarten hanggang Grade 6 ay bibigyan ng hindi bababa sa isang fortified meal sa loob ng hindi bababa sa 120 araw sa isang taon. Ipatutupad ito ng Department of Education.

– Supplemental Feeding Program para sa mga bata sa Day Care. Ang mga batang undernourished na may edad 3 hanggang 5 taon sa day care centers ay bibigyan ng hindi bababa sa isang fortified meal sa loob ng hindi bababa sa 120 araw sa isang taon. Ang lokal na pamahalaan at ang Department of Social Welfare and Development ang magpapatupad nito.

– Milk Feeding Program. Kabilang sa fortified meals at cycle menu ang sariwang gatas at mga pagkain mula sa sariwang gatas. Ipatutupad ito ng Department of Agriculture, Philippine Carabao Center at ng Cooperative Development Agency.

Sinabi ni Poe na ang batas na ito ay hindi lamang tulong para sa mga mag-aaral na may malnutrisyon, kung hindi proteksyon na rin sa kanila mula sa bigat ng tumataas na presyo ng pagkain.

“Mapagagaan ng libre at masustansyang pagkain para sa mga bata ang hirap ng mga pamilya,” sabi niya. (Ernie Reyes)