FERDINAND “BBM” ROMUALDEZ MARCOS, JR. ANG IKA-17 PANGULO NG PILIPINAS

FERDINAND “BBM” ROMUALDEZ MARCOS, JR. ANG IKA-17 PANGULO NG PILIPINAS

June 30, 2022 @ 8:29 PM 1 month ago


Isang kasaysayan ang naganap ngayon alas-dose ng tanghali, nasaksihan ng buong mundo na hahalili na bilang ika-labingpitong Pangulo ng bansa si President Ferdinand “BBM” Romualdez Marcos, Jr., at magiging “Citizen Digong” na si outgoing President Rodrigo Roa Duterte.

Batid natin na ang Pangulo ng Pilipinas ang pinakamapangyarihang tao at numero unong Pilipino. Gumaganap siya bilang Chief Executive, Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at iba pang puwersa, at siyang chief diplomat ng bansa.

Sa Pangulo nakasalalay ang pang-araw-araw na pagpapatakbo ng kabuuang sistema ng bansa na nakaatang sa Executive Department. Sa buong araw, napupuno ang iskedyul niya ng mga pakikipag-usap sa kanyang Gabinete at iba pang mga opisyal, mga Ambassador, mga negosyante at mamumuhunan, mga ordinaryong mamamayan, pagsasalita sa iba’t ibang okasyon sa alinmang panig ng bansa, pagdalo sa mga pagtitipon ng world leaders, at pagharap sa mga papeles na nangangailangan ng kanyang pag-aksyon at lagda. 

Ganito kahirap ang maging Pangulo, sa suweldong Php 411,382 pesos bawat buwan, nakaatang sa kanyang balikat ang kasalukuyan at hinaharap ng 109.58 milyong Pilipino na kada taon ay nadaragdagan ng 1.5 milyong bilang.

Sa loob ng 124 taon natin bilang malayang republika, labing-pito na ang naging Pangulo ng Pilipinas, at pinakahuli nga itong si President BBM na sa loob ng anim na taon ay uukit ng kanyang sariling kasaysayan bilang lider ng bansa.

 Ang pagtatagumpay ng BBM administration ay malaking kapakinabangan sa bawat isa sa atin, kaya marapat lamang na ibigay natin ang ating buong suporta sa pinili ng mayorya ng ating mga mamamayan na manguna sa atin. Lalo pa’t pagkakaisa ang hangarin ng bagong administrasyon. Kailangan nating magsama-sama para sabay-sabay tayong makaahon mula sa matinding epekto ng coronavirus disease sa ating lahat.

Paniwala ng maraming political analyst, halos magkatulad din naman ang magiging pamamahala ng BBM administration sa papatapos na Duterte administration dahil halos parehas ang kanilang mga pinaniniwalaang prinsipyo sa mga isyu at usapin ng bansa.

 Ang inaasahan lamang na pagkakaiba ay muling magbabalik ang mga nakagisnang “protocol” sa Malacañang Palace na hindi masyadong inalintana ni Pangulong Duterte dahil siya naman ay may sariling brand of leadership.

Inaasahan din na dahil sa malaking respeto ni President BBM kay Vice President Sara Duterte-Carpio, maliban sa pagiging DEPED o Department of Education secretary ay marami pa itong gagampanang mahalagang papel sa BBM administration.