Fernandez, Magbojos humakot ng gintong medalya sa PSC-Batang Pinoy

Fernandez, Magbojos humakot ng gintong medalya sa PSC-Batang Pinoy

December 19, 2022 @ 2:36 PM 1 month ago


ILOCOS SUR – Humakot ng gintong medalya sina Jathniel Caleb Fernandez ng Baguio City at Adrianna Jessie Magbojos ng Sta. Rosa sa Archery sa Philippine Sports Commission-Batang Pinoy na ginanap sa San Ildefonso, Central School.

Tig-limang gold medal ang pinana nina 9-year-old Fernandez at Magbojos sa Under 10 Boys at Girls sa event na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).

Tinuhog ni Grade 3 student sa Pines Family Learning Center, Fernandez 10m matapos umiskor ng 304, 15m (243), 20m (260), 30m (257) at 1440. Pakay ni Batang Pinoy first timer, Fernandez na sikwatin ang pang-anim na gold medal sa Olympic round ngayong araw.

“Pursigido talaga siyang manalo, pinaghandaan niya itong Batang Pinoy,” patungkol ni Randy Fernandez sa kanyang anak (Caleb).

Sinungkit naman ni Magbojos ang gold medal sa 10m, 15m, 20m, 30m at 1440 event.

Samantala, naka double gold medal si Maritanya Krog matapos pedalin ang panalo sa Girls 13 and below Individual Time Trial (ITT) na ginanap sa Provincial Capitol, Diversion Road.

Nirehistro ni Krog ang 12 minuto at 39 segundo para makuha ang pangalawang ginto habang silver at bronze sina Jhanah Abella ng Calapan at Maria Louisse Alejado ng Iloilo ayon sa pagkakasunod.

Dalawang gold medal naman ang hinablot ni Mico Villaran ng Bacolod City matapos nitong manalo sa  110m at 200m hurdles sa grassroots development program ng PSC.RICO NAVARRO