Ferolino: Walang ‘delay’ sa paglalabas ng desisyon sa DQ case vs Marcos

Ferolino: Walang ‘delay’ sa paglalabas ng desisyon sa DQ case vs Marcos

February 1, 2022 @ 11:36 AM 8 months ago


Binanatan ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Aimee Ferolino ang kasamahan niyang si Commissioner Rowena Guanzon matapos siyang akusahang dine-delay ang paglalabas ng resolusyon sa disqualification case laban kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa isang memorandum bilang tugon sa demand ni Guanzon na paliwanag tungkol sa umano’y “delay,” sinabi ni Ferolino na masusi niyang pinag-aaralan ang lahat ng mga ebidensya para malaman kung dapat bang madiskwalipika si Marcos o payagan itong tumakbo sa May 2022 national elections.

“With all due respect, there is nothing to explain because I do not submit to your pronouncement that there is delay in the release of my ponencia on the Marcos cases,” saad ni Ferolino.

Kasabay nito, sinabihan niya si Guanzon na itigil ang pagkokondisyon sa utak ng mga tao na mayroong delay dahil wala naman talaga.

Aniya, ang Enero 17 na deadline na binanggit ni Guanzon ay hindi kolektibong desisyon ng Comelec First Division kung saan ito ang namumunong komisyoner.

Inatasan pa umano niya si Guanzon na magsulat ng consolidated draft ruling ng tatlong magkakahiwalay na disqualification petitions gayong noong Enero 10 lamang siya itinalaga sa trabaho.

Hiniling din umano ng commissioner sa kanya at kanyang mga staff na magtrabaho 24 oras para gawin ang ponencia.

Giit ni Ferolino, sinisira ng mga aksyon ni Guanzon ang kredibilidad ng Comelec.
“I am asking you to spare the Commission from all these controversies because you are destroying the credibility of the agency,” saad niya.

Kasabay nito, itinanggi rin ni Ferolino ang paratang na siya ay nasuhulan.

Matatandaang kahapon, Enero 31, nang ilabas ni Guanzon ang kanyang separate opinion kung saan bumoto siyang pabor sa disqualification case laban kay Marcos.

Hindi na umano niya nahintay ang desisyon ng ponente dahil magreretiro na siya sa Miyerkules habang holiday naman ngayong Pebrero 1.

Hinamon pa nito si Ferolino na sabay silang magbitiw sa pwesti para hindi maapektuhan ang kredibilidad ng Comelec. RNT