Filbasket, dineklarang ‘Unlawful’ ng Office of the President

Filbasket, dineklarang ‘Unlawful’ ng Office of the President

January 15, 2022 @ 3:20 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Kinatigan ng Office of the President (OP) ang inihain na ‘Cease-and-Desist order ng Games and Amusements Board (GAB) laban sa paglulunsad ng Filipino Basketball League (FilBasket) nitong Nobyembre ng nakalipas na taon.

Sa inilabas na Resolution ng OP na may petsang Enero 13, 2022 at may lagda ni Deputy Executive Secretary for Legal Affairs Ryan Alvin R. Acosta, iginiit ng OP na ‘Deemed Withdrawn’ ang inihaing ‘Withdrawal of Notice of Appeal’ na may petsang Disyembre 6, 2021 ng organizer ng FilBasket na  Metrocity Filbasket, Inc.

Naunang naghain ang organizer ng FilBasket ng ‘Notice of Appeal’ sa OP na may petsang Nobyembre 21, 2022 laban sa inilabas na ‘Cease and Desist’ order ng GAB na may petsang Nobyembre 12, 2021 bilang paraan para mapatigil ang isinasagawang liga ng FilBasket.

Nagawang ipagpatuloy ng FilBasket ang liga bunsod ng nasabing paghahain ng apela na kagyat din nilang binawi ilang araw matapos ang isinagawang championship match.

Ngunit, sa Resolution ng OP, idineklarang naaayon sa batas sa ilalim ng PD 871 na nagbibigay kapangyarihan sa GAB na magbigay ng sanction sa lahat ng professional sports ang ‘Cease and Desist’ order na inihain ng ahensiya.

“Wherefore, in view of the foregoing, the inaugural tournament of FilBasket being held at Subic Bay Gymnasium in Zambales, is hereby declared ‘UNLAWFUL’ for violation of Section 3 and 4 of PD 871,” nakasaad sa nasabing Resolution ng OP.

“Accordingly, pursuant to Section 2(i) of PD 871 authorizing the Board to order the suspension of any game in case of violation or non-compliance with the provisions of the said decree or the rules and regulations promulgated thereunder, respondent  Filipino Basketball League is hereby ordered to ‘Cease and Desist from continuing its inaugural tournament at the Subic Bay Gymnasium in Zambales and from conducting any other similar tournaments or games without the appropriate permits and licenses from the Games and Amusements Board (GAB),” ayon pa sa Resolution.

Ikinalugod ni GAB Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang naging desisyon ng OP na aniya’y nagpapatunay na ang ginagawang hakbang at pagkilos ng ahensiya ay nakabatay sa mga kapangyarihan ipinagkaloob ng batas.

Bago pa man nagsimula ang FilBasket nitong Oktubre 28, iginiit ng GAB na kinakailangang nilang tumalima sa regulasyon at ‘safety and health’ protocol batas sa Joint Administrative Order (JAO) na nagkakaisang nilagdaan ng GAB, Philippine Sports Commission (PSC) at Department of Health (DOH). Ang naturang JAO ay aprubado ng Inter-Agency Task Force.Rico Navarro