Filipinas kampeon sa 2022 AFF Women’s Championship

Filipinas kampeon sa 2022 AFF Women’s Championship

July 18, 2022 @ 12:58 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – “Isang himala.” Ganito inilarawan ni coach Alen Stajcic ang naging kampanya ng Pilipinas sa 2022 AFF Women’s Championship matapos nitong makuha ang kampeonato.

“Nakakatuwa. It’s miraculous what these player have done the last two weeks, let alone the last four weeks,” ani Stajcic matapos makuha ng Pilipinas ang korona sa pamamagitan ng 3-0 panalo laban sa Thailand noong Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Stadium.

Ibinida ni Stajcic na mahaba at nakapapagod na paghahanda ang naging susi upang masungkit ng mga Pinay ang kampeonato kung saan nagpunta pa sila sa Turkey at Slovenia para sa training camp at naglaro ng serye ng mga friendlies bago bumalik sa Pilipinas para sa AFF tournament.

Sinimulan ng mga Pinay ang torneo sa mga panalo laban sa Australia, Singapore at Malaysia bago bumagsak, 0-1, sa Thailand sa group stage.

Ngunit nakabawi ang Pilipinas sa semifinals, na inilabas ang 4-0 na panalo laban sa Vietnam para ayusin ang rematch laban sa Thailand sa kampeonato.

Sa huli, tinalo ng Pilipinas ang apat na beses na kampeon ng AFF para pasayahin ang 8,257 na tagahanga sa Rizal stadium.

“Hindi ako makahanap ng mga salita upang ilarawan kung gaano sila katatag at katigasan sa pag-iisip. The players obviously deserve a lot of credit,” dagdag pa ni  Stajcic.

Masaya rin si Stajcic na makitang buhay ang Philippine football kasama ang mga fans na nagpakita sa venue, ang pinakamalaking nakadalo sa tournament.

“Para makita ang mga tagahanga na lumabas at iangat ang Philippine football, para buhayin ito, ito ay talagang kamangha-manghang,” sabi ni Stajcic.RICO NAVARRO