Filipino citizenship ni Justin Brownlee, lusot na sa Senate panel

Filipino citizenship ni Justin Brownlee, lusot na sa Senate panel

November 21, 2022 @ 2:57 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Sonny Angara na nakalusot na sa Senate committee on justice and human rights ang naturalization bill para kay Justin Browlee , forward import ng Barangay Ginebra, sa ginanap na pagdinig nitong Lunes, Nobyembre 21.

Sa pahayag, sinabi ni Angara na inaprubahan ng komite na pinamumunuan ni Senador Francis Tolentino ang deliberasyon ng Senate Bill No. 1336 o ang Granting of Philippine Citizenship kay Brownlee, na inihain ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Naghain din sina Angara, chairman ng Samahan ng Basketbol ng Pilipinas, at Senate Majority Leader Joel Villanueva ng hiwalay na panukala hinggil dito.

“The consideration of the Senate Bill 1336… at the committee level is hereby terminated and without objections coming from our colleagues, this hearing of the Senate committee on justice and human rights is hereby adjourned,” ayon kay Tolentino sa ginanap na pagdinig.

Pinasalamatan din ni Angara sina Dela Rosa, Villanueva, at Senador Bong Go, chairman ng Senate committee on sports, sa paghahain ng panukala.

Nagpasalamat din si Angara kay Tolentino sa mabilis na pag-aksiyon sa panukalang naturalization ni Brownlee na magpapalakas sa koponan ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup.

“Inaasahan ang malaking papel na gagampanan ni Brownlee bilang bagong naturalized player ng Gilas Pilipinas na sasabak sa mga koponan ng Lebanon at Jordan sa final window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero na gaganapin sa Philippine Arena,” ayon kay Angara.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Villanueva ang pag-aapruba ng committee level sa panukala na kaagad isasalang sa plenaryo.

“As your Majority Leader, we commit to tackling this measure on the floor as soon as the committee report on this measure is final, according to the intentions if the committee chairman, Senator Tolentino, the authors of SBN 1336, Senator Bato, and Senator Go, author of SBN 1516, the chairman of Samahang Basketbolista ng Pilipinas, Senator Sonny Angara, and yours truly, the author of SBN 1519,” ayon kay Villanueva.

“Justin Brownlee will be the Filipino who can bring glory to our country and give excitement and hope to Filipinos anywhere in the world,” dagdag niya. Ernie Reyes