Filipino, Japanese experts sanib-pwersa sa laban vs pagbaha

Filipino, Japanese experts sanib-pwersa sa laban vs pagbaha

December 5, 2022 @ 5:59 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagsisikap ang Filipino at Japanese experts na mas maihanda ang Pilipinas mula sa mga banta ng climate change sa pamamagitan ng pagtalakay mg mga estratehiya kung paano mapapawi ang masamang epekto ng pagbaha.

Kasabay nito, nag-organisa ang Department of Public Works and Highways (DPWH), sa pamamagitan ng Unified Project Management Office – Flood Control Management Cluster (UPMO – FCMC) at Japan Ministry of Pans,Infrastructure,Transport and Tourism -Water and Disaster Management Bureau ng seminar na tinawag na “Seminar on Climate Change Perspectives in Managing Rivers and Floods”.

Kasama rin sa seminar ang mga kinatawan mula sa Department of Environment and Natural Resources – Forest Management Bureau (DENR – FMB); DENR – National Mapping and Resource Information Authority (DENR – NAMRIA); Department of Science and Technology – Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST – PAGASA); Climate Change Commission (CCC); National Economic and Development Authority (NEDA); at National Irrigation Administration (NIA).

Sa kanyang opening remarks, hinikayat ni DPWH Assistant Secretary Antonio V. Molano, Jr., ang mga participants upang pagnilayan kung paano pakinabangan ang pagkakaiba-iba ng mga tungkulin at mandato ng kani-kanilang mga ahensya upang masuri at mapabuti ang kasalukuyang mga estratehiya sa pag-aangkop sa pagbabago ng klima ng Pilipinas.

Ang seminar ay layon upang higit pang mahasa ang kaalaman ng mga participants sa pagbabago ng klima sa pamamagitan ng pag-aaral mula sa karanasan at tagumpay ng Japan sa pamamahala ng ilog at baha gaya ng itinuro ng Ministro ng Embahada ng Japan na si Daisuke Nihei.

Ayon kay Nihei, ang mga tagumpay ng Japan sa climate change management ay nakikita at isinama sa patuloy na mga proyekto sa pag-iwas sa kalamidad at mga hakbangin kasama ang Pilipinas na kinabibilangan ng Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase IV; Coastal Engineering Capacity Development para sa mga tauhan ng DPWH; flood risk management projects sa Cavite Industrial Area at Cagayan De Oro City; flood control master plan study sa Davao City; at ang feasibility study para sa Parañaque Spillway Project.

Ipinakita naman ng DPWH UPMO – FCMC ang kanilang Flood Risk Management Master Plans habang ang DPWH Bureau of Design (DPWH – BOD) ay nagdetalye ng disenyo ng pagpaplano sa pagkontrol ng baha nito na tumutugon sa pagbabago ng klima.

Ang iba pang usapin na tinalakay sa seminar ay kabilang ang “Observed Climate Trends and Projected Climate Change in the Philippines” ng DOST – PAGASA; “Sea Level Rise: Is It Climate Change of Land Subsidence?” ng DENR – NAMRIA; “Climate Change Programs and Policies in the Philippines” ng CCC; at “National Greening Program Towards Climate Change Mitigation and Adaptation” ng DENR. Jocelyn Tabangcura-Domenden