Final draft sa single-ticketing system OKs na sa NCR mayors

Final draft sa single-ticketing system OKs na sa NCR mayors

January 19, 2023 @ 5:20 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Aprubado na sa Metro Manila mayors ang final draft ng planong single-ticketing system sa National Capital Region.

Nitong Huwebes, Enero 19 ay nagkasundo ang mga alkalde ng Metro Manila na ipatupad ang naturang sistema kung saan magkakaroon ng iisa at malinaw na panuntunan sa traffic violation at number coding sa lahat ng mga lungsod sa rehiyon.

Ani Metro Manila Council (MMC) President at San Juan City Mayor Francis Zamora, wala sa mga miyembro ng konseho ang tumutol sa pagpapatupad ng nasabing sistema.

Ngayong araw ay muling nagpulong ang technical working group ng MMC kabilang ang Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Office (LTO) upang isaayos at isapinal ang ilan pang detalye ng polisiya.

Kabilang sa mga ito ay ang integration ng database at ang pagpresenta sa final draft ng Metro Manila Traffic Code, ang memorandum of agreement ng LTO sa interconnectivity ng mga local government units at ang MMC resolution sa pagtanggap ng Metro Manila Traffic Code.

“Wala namang problema sa ating mga mayors. It’s really just a matter of integration. Paano ba ang proseso ng integration? Mayroon bang kailangang bayaran ang mga LGU para mag-procure ng mga IT equipment o ‘yong actual integration ng data, sino’ng magha-handle niyan?” pahayag ni Zamora.

Sa oras na maipatupad ang single-ticketing system, iisa na lamang ang magiging halaga ng penalty sa mga traffic violations sa lahat ng mga lungsod at papayagan na rin ang pagbabayad ng penalty gamit ang digital wallet o payment center.

Dagdag pa, hindi na rin kukumpiskahin ang lisensya ng mahuhuli. RNT/JGC