Final testing, sealing ng VCM sa Cavite poll matagumpay na idinaos

Final testing, sealing ng VCM sa Cavite poll matagumpay na idinaos

February 19, 2023 @ 2:57 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Matagumpay na naisagawa ngayong umaga, Pebrero 19 ang final testing at sealing ng 426 Vote-Counting Machines (VCMs) sa 75 Voting Centers sa 116 barangays ng lungsod ng Trece Martires, at mga bayan ng Amadeo ,Indang at Tanza.

Ayon sa Comelec, walang pumalyang makina o SD card at gumana, bumilang ng wasto ang lahat ng VCMs.

May bahagya lamang umanong naging isyu at ito ay ang paper jam na naremedyuhan kaagad.

Ang huling final testing at sealing ay huling bahagi ng mga proseso ng Automated Elections System (AES) bilang paghahanda sa gaganaping Pebrero 25, 2023 Special Elections para sa Congressman ng 7th District ng Cavite.

Nang matiyak na wasto ang pagkakabilang sa boto, siniguro ng mga EBs na nare-zero ang lahat ng VCMs, nilagyan ng mga plastic security seal, bago tuluyang nag “power off” at ibinalik sa mga kahon para muling ideposito sa storage rooms ng mga paaralang bahagi ng Special Elections.

Ang bawat storage room ay mahigpit na binabantayan ng mga kawani ng Department of Education (DepEd) katuwang ang Philippine National Police (PNP) at inoobserbahan ng mga kasapi ng National Movement for Free Elections (NAMFREL), Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at ibat-ibang watchers ng mga Political parties at iba pang watch groups.

Kasama sa FTS sina Chairman George Garcia at Commissioner Nelson Celis sa Clustered Precinct No.11 ng Brgy. Amaya sa Amaya Elementary School sa Tanza, Cavite. Jocelyn Tabangcura-Domenden