Fire Prevention Month, inilunsad ng BFP

Fire Prevention Month, inilunsad ng BFP

March 1, 2023 @ 7:56 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Bureau of Fire Protection National Capital Region (BFP-NCR) Director Fire Chief Supt. Nahum Tarroza ang kick-off ceremony para sa fire prevention month ngayon buwan ng Marso.

Isinagawa ang programa sa Quezon City Hall quadrangle kung saan ilan sa mga fire volunteer o ang mga force miltiplier ay binigyan ng pagkilala.

Ayon kay Tarroza, apat na phase ang kanilang programa at ang una ay tuturuan ang komunidad kung paano maiiwasan ang sunog nang mas epektibo.

Ikalawa ay ang responding improvement kung saan sasanayin at tuturuan ang fire multipliers, barangay fire brigade at mga volunteers, habang ang ikatlo naman ay pagpapabuti sa Emergency Medical Services (EMS) kung saan pinakalat ang mga ito sa mga pangunahing lansangan upang mapabilis ang pagsaklolo sa publiko at ang pinakahuli ay ang hospital na sumailalim sa training at preparedness for emergency.

“Kapag yung apat na yan ay napagsanay natin ang lahat ng stake partners at personnel sisiguraduhin ko po ang inyong kaligtasan,” pahayag pa ni Tarroza.

Sinabi pa ng opisyal na karamihan sa pinag-uugatan ng sunog ay ang faulty electrical wiring dahil nagdadagdag ng mga appliances sa loob ng bahay at hindi naman pinapalitan ang linya ng kanilang kuryente kung kaya’t bumibigay ang mga ito.

Patuloy naman na nakikipag-ugnayan ang BFP sa mga water concessionaires para agad nila itong makokontak at mapalakas ang water pressure sa fire hydrant kung saan ang lugar ng sunog.

Nakipag-usap din sila sa electric company upang ayusin ang mga sala-salabat na linya ng kuryente.

Samantala, pinangunahan naman ni Quezon City Fire Marshall FSSUPT Aristotle Bañaga ang information campaign kung saan ilan sa mga lugar sa Quezon City ang iniikot ng kanilang mga fire truck upang magpaalala sa publiko at mabigyan ng mga kaalaman kung paano maiiwasan ang sunog. Jan Sinocruz