Firecracker injuries sa Central Visayas bumaba ng 58%

Firecracker injuries sa Central Visayas bumaba ng 58%

December 27, 2022 @ 11:33 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nakapagtala ng 58% na pagbaba ang Department of Health – Central Visayas sa mga kaso ng naitatalang fireworks-related injuries nitong bisperas ng Pasko at mismong araw ng Pasko.

Sa ulat ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) nitong Lunes, Disyembre 26, mula sa 24 kaso noong 2021 ay nasa 10 kaso lamang ng naputukan ngayong taon.

Malaking bahagi sa nasabing bilang ay mula sa Cebu habang may isa naman ang naitala sa Bohol.

Ayon kay RESU-7 cluster head Dr. Eugenia Mercedes Cañal, wala namang naitala na firecrackers-injury sa highly urbanized cities tulad ng Cebu, Lapu-Lapu at Mandaue maging sa mga probinsya ng Negros Oriental at Siquijor.

Nilinaw naman niya na maaaring magkaiba ang mga datos dahil sa late reports na ipinapasa at beripikasyon na isinasagawa.

Matatandaan na noong Disyembre 13 ay inilunsad ng DOH-7 ang “Oplan Iwas Paputok” na magpapaalala sa publiko ng mga panganib na dulot ng paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. RNT/JGC