Fireworks-related injury sa bansa lumobo na sa 25 – DOH

Fireworks-related injury sa bansa lumobo na sa 25 – DOH

December 27, 2022 @ 4:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Limang karagdagang kaso pa ng fireworks-related injuries ang naitala sa bansa na nagdala sa kabuuang 25, ayon sa Department of Health (DOH) sa press briefing ngayong Martes, Disyembre 27.

Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang caseload ng firecracker-related injuries sa ngayon ay 14% na mas mataas sa 22 kasong naitala sa kaparehong panahon noong 2021.

Batay sa fireworks-related injury surveillance report ng ahensya, lima sa mga kasong ito ay nagmula sa Western Visayas.

Tatlo bawat isa ay nagmula sa Bicol Region, Central Visayas, at Soccsksargen.

Mayroong dalawang kaso naitala sa bawat rehiyon sa Ilocos, Mimaropa, Davao Region, at National Capital Region (NCR).

Samantala, tig-isang kaso ang naitala sa Central Luzon, Calabarzon, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Labintatlo sa mga kasong ito ang nagtamo ng mga pinsala sa mata, walo sa kamay, tatlo sa bisig o braso, habang isa sa likod.

Ang mga nangungunang paputok na sanhi ng mga injury ay boga, whistle bomb, kwitis, at 5-star.

Ang Boga, isang improvised at ilegal na paputok, ay nagdulot ng walo o 32% ng mga pinsala lamang.

Sinabi ng DOH na wala pa ring mga ulat ng paglunok ng paputok, at mga ligaw na bala sa ngayon.

“Kapag tayo ay naputukan o kaya tayo ay nagkaron ng injuries dahil sa paputok, ang unang-una nating titignan ano ‘yung extent nung injury. Kapag nakuha natin na sobrang dami na ng dugo o kaya meron nang pagka-sever nung isa sa ating daliri o kamay, balutin lang sa malinis na cloth ang injury at pumunta na kaagad sa ospital,” paalala ni Vergeire sa publiko.

Kapag mild aniya ang sugat ay maaring linisin ng sabon at tubig at obserbahan.

Pinayuhan din ni Vergeire ang mga biktima na magpabakuna sa tetanus kung sila ay nagtamo ng mga pinsala sa katawan dahil sa paputok. Jocelyn Tabangcura-Domenden