Fireworks-related injury sumampa na sa 307 – DOH

Fireworks-related injury sumampa na sa 307 – DOH

January 6, 2023 @ 1:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa 307 ang bilang ng mga fireworks-related injuries sa bansa.

Ito ay ayon sa ulat ng Department of Health nitong Biyernes, Enero 6 makaraang madagdagan ng 16 na bagong kaso ng mga naputukan ang naitala sa DOH sentinel hospitals mula Enero 5 hanggang 6.

Ang kasalukuyang bilang ay mas mataas na ng 62% mula sa mga naitalang kaso naman sa kaparehong panahon noong 2021.

“Mula kahapon, Jan.5, labing-anim (16) ang naitalang bagong kaso ng fireworks-related injury mula sa 61 na DOH sentinel hospitals,” pahayag ng DOH.

“Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang ng mga kaso ng pinsala dulot ng paputok ay nasa tatlondaan at pito (307) na mas mataas ng animnapu’t dalawang porsyento (62%) kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa sakop na petsa,” dagdag pa nito.

Batay sa pinakahuling surveillance report, nananatiling ang Metro Manila ang may pinakamaraming fireworks-related injuries sa 139 na kaso.

Karamihan naman sa mga biktima ay lalaki, o 245 na kaso edad isa hanggang 80 habang malaking bahagi din o 167 na kaso ang nangyaring sa mga kalsada at 130 naman ang nangyari sa mismong tirahan.

Pinakamarami ang naapektuhan ng paputok sa kamay (105), mata (80), ulo (39), binti (37) at braso (33).

Ang mga karaniwang paputok naman na nakapipinsala ay kwitis, boga, 5-star at fountain. RNT/JGC