‘First 100 Days’ report inihahanda na ni VP Sara

‘First 100 Days’ report inihahanda na ni VP Sara

October 6, 2022 @ 2:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isinasapinal na ni Vice President Sara Duterte ang ulat sa kanyang unang 100 sa opisina bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Hinahanda na po namin ‘yung 100 days report ng Office of the Vice President (OVP),” aniya nitong Miyerkules.

Ang kasalukuyang Bise Presidente, na anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay ang ika-15 bise presidente ng Pilipinas.

Nanunungkulan din si Duterte bilang Department of Education (DepEd) secretary.

“Iyon namang sa Department of Education ay isa-submit po namin sa Office of the President (OP) dahil hinihingi po nila ‘yun,” patuloy niya.

Sa ilalim ni Duterte, nagbibigay ang OVP ng medical at burial assistance mula Hulyo 1.

Nagtalaga rin ang kanyang opisisna ng limang bus bilang bahagi ng “Libreng Sakay” program nito sa Metro Manila, Davao City, Cebu, at Bacolod upang makatulong sa public transport tuwing peak hours.

Binuksan din niya ang pitong satellite offices sa Dagupan, Cebu, Tacloban, Zamboanga, Davao, Bacolod City, at Tandag, Surigao del Sur upang ilapit ang mga serbisyo ng OVP sa mga tao.

Target din ni Duterte na magtalaga ng official residence para sa second highest official sa bansa na ayon sa kanya ay mapakikinabangan ng mga susunod sa kanya. RNT/SA