First Lady, walang ‘input’ sa gov’t appointments – PBBM

First Lady, walang ‘input’ sa gov’t appointments – PBBM

January 24, 2023 @ 10:41 AM 4 days ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  na walang ‘input’ ang kanyang asawa na si Unang Ginang Louise “Liza” Araneta-Marcos sa mga appointments na kanyang ginagawa sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Tinanong kasi ang Pangulo kung may ‘kamay’ din ba ang Unang Ginang sa kanyang mga napipili bilang miyembro ng kanyang  official family.

“Zero, she really has no input on that. The First Lady helps me in terms of the organization because she was actually very very good at that, organizing which office, how the workflow goes, where the documents go through,” ayon sa Pangulo.

“She’s a well-trained lawyer so she’s very good at that. But that’s the extent of it, we don’t talk policy together, I mean she’ll comment… she’ll generally say, ‘that looks good,’ ‘that doesn’t look good, I don’t know why you’re doing that,’ ‘what a great idea,’ but that’s it,” aniya pa rin.

Napaulat na ipinag-utos ng Unang Ginang kay Presidential Security Group commander Col. Ramon Zagala na ipakalat ang kanyang babala sa mga taong gumagamit ng kanyang pangalan para lang maitalaga sa gobyerno o sa military posts.

Ayon kay Araneta-Marcos, napuno na siya sa mga usap-usapan na dawit siya sa pagkakatalaga sa mga opisyal sa gobyerno at sa militar.

Sa kanyang 35-second selfie video message, itinanggi ng first lady na may kinalaman siya sa appointment ng mga government officials, partikular na sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (Isafp), pero hindi naman ipinaliwanag kung bakit ang naturang military unit ang kanyang nabanggit.

Mababatid na sa Isafp, ang pinakabagong itinalaga ay ang kanilang acting chief na si Brig. Gen. Leonel Nicolas, napumalit kay Brig. Gen. Marcelino Teofilo, noong Oktubre 2022.

Ang mga kontrobersiya kaugnay sa appointments, resignations at dismissals ay lumutang sa unang bahagi ng mga buwan ng Marcos administration.

Sa panahong iyon, nawalan ng tatlong mga key officials si Pangulong Bongbong Marcos kasunod ng pagbibitiw sa pwesto ni Executive Secretary Victor Rodriguez, Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, at Commission on Audit Chair Jose Calida.

Sa kabilang dako, nang tanungin naman kung kinokonsulta niya ang kanyang asawa sa paggagawa ng mahihirap na desisyon, ang sagot ng Pangulo ay tinatanong niya ang kanyang asawa pagdating sa legal aspects at hindi ukol sa political matters.

Samantala itinanggi naman ni Pangulong  Marcos na ngayon pa lamang ay  hinuhulma na nila si Ilocos Norte Representative Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos para maging susunod na Pangulo ng bansa.

Kapansin-pansin kasi na kasama si Cong. Sandro sa ilang byahe ng Pangulo sa ibang bansa kabilang na ang  working trip nito sa  Davos, Switzerland.

“No, we’re not grooming him for anything. He’s grooming himself, he has decided on this career in politics and he will handle it the way he does. There’s not some long range plan that one day Sandro is going to be the president. He will laugh in your face if you tell him that,” paliwanag ng Pangulo. Kris Jose