Fish ball vendor natagpuang patay sa ilog

Fish ball vendor natagpuang patay sa ilog

July 5, 2022 @ 9:53 AM 1 month ago


ISABELA- Natabunan ng water lilies ng matagpuan ang bangkay ng isang fish vendor na nakalutang sa ilog nitong Lunes sa bayan ng Reina Mercedes.

Kinilala ang biktimang si Roman Capinlac, 58-anyos at residente ng Purok 1, Bustamante, Luna, Isabela.

Batay sa report ng Reina Mercedes Police Station, dakong alas-9:30 ng umaga natagpuan ang bangkay ng biktima sa may ilog sa boundary ng Santor, Reina Mercedes at Macanao, Luna, Isabela.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente nagpaalam ang biktima sa kanyang asawa na pupunta sa Pulay Luna sa nasabing bayan para maki-piyesta at nagtitinda na rin ng fishball sakay ng kanyang kolong-kolong.

Subalit kinagabihan ay hindi pa rin umuuwi ang biktima hanggang sa kinaumagahan ng Lunes ay duon na nakita ng ilang residente ang bangkay ng biktima sa ilog na natatakpan ng mga water lilies sa ilog.

Positibo naman kinilala ang biktima ng kanyang asawa na si Teresita Capinlac.

Isasailalim naman sa otopsiya ang bangkay ng biktima para alamin ang sanhi ng pagkamatay nito o kung may naganap na foul play sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico