Fish kill sa Taal Lake ‘di konektado sa sulfur dioxide ng bulkan – BFAR

Fish kill sa Taal Lake ‘di konektado sa sulfur dioxide ng bulkan – BFAR

July 7, 2021 @ 11:34 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Region IV na ang ibinubugang sulfur dioxide ng Bulkang Taal ay walang kinalaman sa naganap na fish kill sa Taal Lake.

“Wala po siyang link doon,” lahad ni BFAR IV Regional Director Sammy Malvas.

Sa panayam sa TeleRadyo, sinabi ni Malvas na naging sanhi ng fish mortality ang mababang lebel ng dissolved oxygen at mataas naman na concentration ng ammonia.

“Ang ammonia result ng decomposition ng organic matter. Pwede rin po yung ibang nagde-decompose na organic matter sa lawa. Halimbawa po yun mga naggo-grow na algae tapos nagda-die off pag nag-decompose po yun nakaka-consume din po sila ng oxygen,” punto ni Malvas.

Sa kabila nito, nilinaw ni Malvas na ligtas pa ring kainin ang mga buhay na isda sa lawa.

 “Yun pong nahuling buhay ay safe pong kainin. Pero, pag yung patay na halimbawa, kasama sa fish kill, ay hindi na po siya safe. Hindi na natin ina-advice na dalhin pa sa palengke o sa bahay para lutuin o iulam.”

Sa datos ng BFAR, nasa 109 tonelada ng mga tilapia at bangus ang namatay, na nagkakahalagang siyam na milyong piso.

“Pag nakikita natin sa analysis na medyo critical yung ibang parameters ay nag-aadvice tayo ng ganun sa mga operators, yung pwede nang iharvest, kung meron pong pagkakataon na iharvest, kasama po sa ating recommendation na kung pwede na nilang iharvest.”

Habang patuloy naman ang BFAR sa pagsasagawa ng regular na monitoring at water sampling para mabantayan at agad na makapagbigay ng abiso sa operators.RNT/FGDC