Fisher group: BFAR dapat manindigan vs Navotas reclamation project

Fisher group: BFAR dapat manindigan vs Navotas reclamation project

September 8, 2022 @ 3:46 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ng mga mangingisda na dapat makialam ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa napipintong pagkasira ng palaisdaan bunsod ng ikinakasang 650-ektaryang reclamation project sa Navotas.

Giit ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ngayong Huwebes, Setyembre 8 na maaapektuhan ang mga mangingisda sa pogbuwag sa mahigit 1, 000 tahong (tahunan), stationary fish traps (baklad), at iba pang istruktura ng pangingisda bunsod ng proyekto.

Sinabi ng PAMALAKAYA na ang DA-BFAR ay may “ligal, politikal, at moral” na obligasyon na protektahan ang marine biodiversity at ekolohiya ng Manila Bay.

“Ang DA-BFAR ay nananagot sa mga mangingisda at manggagawa ng isda sa Navotas na ang kabuhayan ay nanganganib sa isang mapanirang reclamation project. Ang mga ahensyang ito ay may tungkuling isulong at ipagtanggol ang ating lokal na industriya ng pangingisda hindi lamang ayon sa ipinag-uutos ng desisyon ng Korte Suprema sa Manila Bay, kundi bilang pagsunod din sa pangako ng kasalukuyang administrasyon sa pagkamit ng seguridad sa pagkain,” sabi ni Ronnel Arambulo, Pambansang Tagapagsalita ng PAMALAKAYA sa isang pahayag.

“Kami ay nananawagan para sa isang direkta at agarang interbensyon ng gobyerno upang maiwasan ang pagkasira ng produktibong aquaculture at mga mapagkukunan ng pangisdaan sa Navotas City, na kilala bilang kabisera ng pangingisda ng bansa. Dapat isagawa ng DA-BFAR ang mandamus ng Korte Suprema sa pamamagitan ng pagpapalabas ng pampublikong pahayag na tumatanggi sa reclamation, o isang administratibong kautusan na nagpapatibay sa proteksyon ng mga marine at aquatic area sa Manila Bay mula sa mga mapanirang proyekto,” pagtatapos ni Arambulo. Santi Celario