Fishing ban sa Calapan, inalis na sa kabila ng oil spill

Fishing ban sa Calapan, inalis na sa kabila ng oil spill

March 19, 2023 @ 10:23 AM 5 days ago


MANILA, Philippines – Inalis na ang fishing ban na ipinatupad sa Calapan, Oriental Mindoro kasunod ng oil spill sa probinsya dahil sa lumubog na MT Princess Empress.

Ipinaliwanag ni Calapan City Administrator Atty. Raymund Ussam nitong Sabado, Marso 18, na inalis ang fishing ban makaraang sabihin ng mga eksperto na walang indikasyon na apektado ng oil spill ang mga isda sa lugar.

“Hindi pa naman mapanganib kaya wala pang basehan na-ideclare ang ban ng fishing sa Calapan kaya after a day ni-lift natin ang advisory. Sa ngayon po, pinapayagan muna natin ulit na maglayag ang mangingisda,” sinabi ni Ussam.

Sa kabila nito, ipinagbabawal pa rin ang paglangoy sa mga baybayin ng Barangay Navotas, Maidlang, at Silonay.

Ani Ussam, patuloy pa rin silang mamamahagi ng emergency assistance sa mga apektadong mangingisda at residente sa Calapan City sa kabila nito.

“Nagro-rollout pa rin tayo ng emergency assistance kasi alam niyo po, bagaman walang ban sa fishing activities ngayon, siyempre may takot po ang mga consumers doon sa mga produktong dagat natin,” pagsisiguro ni Ussam.

Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, nasa 20,540 pamilya mula sa 10 bayan sa probinsya ang apektado ng oil spill.

“Ang aming focus pa rin doon sa Pola, which right now sampu na lang iyong area na iyong barangays na in particular na aming tinutugunan ng aming shoreline cleanup operations namin,”sinabi naman ni Commodore Geronimo Tuvilla, commander ng incident team Oriental Mindoro.

Matatandaan na noong Pebrero 28 ay lumubog ang MT Princess Empress sa dagat na sakop ng Naujan, Oriental Mindoro karga ang 900,000 litro ng industrial fuel oil sa lalim na 400 metro. RNT/JGC