Fixed parking fees sa ilang establisimiyento, itinutulak sa Senado
November 29, 2022 @ 2:38 PM
2 months ago
Views: 823
Shyr Abarentos2022-11-29T14:06:07+08:00
MANILA, Philippines- Sakaling makapasa ang isang panukala sa Senado, gagawin nang P30 ang parking fees ng anumang uri ng sasakyan at P10 sa motorsiklo sa lahat ng mall, restoran, hotel, ospital, paaralan at alinmang designated parking area.
Base sa panukalang Senate Bill N. 1463, na inihain ni Senador Bong Revilla Jr., itatakda ang fix parking rates sa lahat ng lugar.
“Ilang taon nang nakabinbin sa Kongreso ang panukalang batas na i-regulate ang bayad sa parking spaces katulad ng sa mga mall, mga kainan, at ibang pang lugar. Sa totoo lang, kung tutuusin, matagal na dapat naisabatas ito,” ayon kay Revilla sa pahayag.
“Kaya ngayon ay talagang itutulak natin ang pagpasa nito sa Kongreso lalo na’t malaking kabawasan ito sa gastusin ng ordinaryong mamamayan,” aniya pa.
Sinabi ni Revilla na nakasalalay sa parking area owners ang halaga ng parking fees dahil nananatiling unregulated ang parking fee.
Sa ilalim ng panukala, lahat ng klase ng sasakyan ay sisiniglin ng pinakamababang P30 sa unang tatlong oras at dagdag na P5 sa susunod na oras.
Itatakda naman sa halagang P10 ang bayad sa parking fee ng motorsiklo sa unang tatlong oras at P2 kada susunod na oras.
Kapag overnight parking naman, magkakaroon ng P100 flat rate sa lahat ng uri ng sasakyan at P50 sa motorsiklo.
Layunin ng panukala na magtakda ng standard rates sa mga sumusunod:
-
P100 flat rate for valet service, in addition to the regular parking fee;
-
P100 in addition to parking fees for lost or damaged parking ticket; and
-
P200 in addition to parking fees for lost or damaged parking card.
Inaatasan naman ang may-ari ng parking space na magbigay ng 15 minuto grace period sa mga dumadaan na customer habang libre naman ang singil sa sinumang gumastos ng P500 sa naturang establisiyemento sa loob ng tatlong oras.
“While the state respects the role of the private sector in the national economy, and encourages the robust application of the law of supply and demand, the necessity to regulate the rates of the parking fees cannot be disregarded,” the ani ng senador sa kanyang explanatory note ng panukala. Ernie Reyes
February 7, 2023 @1:26 PM
Views: 0
MANILA, Philippines- Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang binata na listed bilang most wanted sa Malabon City matapos matimbog sa isinagawang manhunt operation sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong akusado bilang si Ellice Palad, 27 ng 111 Manapat St., Brgy. Tañong.
Ayon kay Col. Daro, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Malabon police na madalas umanong maispatan ang presensya ng akusado sa Quezon City.
Alinsunod sa kampanya ng PNP kontra wanted persons, agad nagsagawa ang tracker team at SIS sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Captain Richell Siñel ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Palad sa Rockville Subdivision Brgy. Sauyo, Novaliches, Quezon City dakong alas-7:30 ng umaga.
Si Palad ay dinakip ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest para sa Frustrated Murder na inisyu ng Malabon City Regional Trail Court (RTC) Branch 291 noong Agosto 2, 2022. Boysan Buenaventura
February 7, 2023 @1:13 PM
Views: 10
MANILA, Philippines- Habang naaalarma ang Commission on Population and Development (POPCOM) sa bilang ng maagang nagbubuntis sa kabataan na may edad 10 hanggang 14 taong gulang, magsasagawa naman si Senador Win Gatchalian ng isang pagdinig upang patatagin ang pagpapatupad ng Department of Education ng Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Bumaba naman ang kaso ng maagang pagbubuntis sa mga kabataang 15 hanggang 19 taong gulang. Gamit ang datos mula sa Civil Registry of Statistics ng Philippine Statistics Authority (PSA), iniulat ni POPCOM director Lisa Grace Bersales na may 2,113 na mga kabataang 10 hanggang 14 taong gulang ang nanganak noong 2020.
Ayon naman sa datos ng Field Health Service Information System ng Department of Education (DepEd), 2,354 ng mga batang babae mula sa naturang age group ang nanganak noong 2020 at 2,299 naman ang nagsilang noong 2021.
Inihain ni Gatchalian noong nakaraang taon ang Proposed Senate Resolution No. 13 upang masuri ang mga kaso ng maagang pagbubuntis at pag-akyat ng bilang ng may Human Immunodeficiency Virus (HIV) infections sa mga kabataan. Sa gagawing pagdinig, rerepasuhin ang kasalukuyang polisiya ng CSE upang masuri kung gaano kalawak ang saklaw nito at kung napapatupad nga ba ito nang maayos.
Nakabatay ang pagpapatupad ng CSE sa DepEd Order No. 31 s. 2018 na inisyu alinsunod sa Responsible Parenthood and Reproductive Health Act (RPRH) of 2012 (Republic Act No. 10354). Mandato ng batas ang pagtuturo ng naaangkop na reproductive health education sa mga paaralan. Mandato naman ng DepEd na bumuo ng curriculum para magamit ng mga pampublikong paaralan.
Ngunit pinuna ng United Nations and Population Fund (UNFPA) na natagalan ang integration at pagpapatupad ng CSE sa K to 12 curriculum. Lumabas din sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang mga hamong kinakaharap ng pagpapatupad ng CSE, kabilang ang kakulangan ng mga pasilidad at learning materials. Hindi rin sapat ang mga pagsasanay sa pag-integrate ng sexuality education sa curriculum, ayon sa pag-aaral.
“Napagkakaitan ng oportunidad na makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga batang nagiging ina. Sa gitna ng nakakaalarmang bilang ng mga batang 10 hanggang 14 taong gulang na nagiging ina, napapanahong suriin natin nang mabuti kung epektibo nga ba ang polisiya ng ating mga paaralan sa pagpapatupad ng comprehensive sexuality education,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education. Ernie Reyes
February 7, 2023 @1:00 PM
Views: 14
MANILA, Philippines- Hinimok ni Senate committee on health chair, Senator Christopher “Bong” Go ang gobyerno na unahin ang kalusugan ng lumalaking populasyon ng bansa sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga nakatatanda ng isang komprehensibo at pinahusay na programa sa nutrisyon.
“In principle po, suportado ko po ito. Importante po sa akin ang kalusugan. Isa po iyan sa aking adbokasiya, ‘yang health at sports. Maganda po ang hangarin ng panukalang batas,” sabi ni Go matapos niyang personal na ayudahan ang indigents sa Compostela, Davao de Oro.
“Suportado ko po ang anumang hakbang na magpapabuti lalo na sa kalusugan at kapakanan ng ating mga senior citizens,” idinagdag niya.
Inihain sa 19th Congress ang Senate Bill No. 1799 at House Bill No. 7064 na naglalayong magbigay ng komprehensibong nutritional support sa mga matatanda.
Sa ilalim ng mga panukala, ang National Nutritional Council ay kinakailangang lumikha ng isang komprehensibong nutrition at wellness program para sa mga senior citizen sa bawat munisipalidad.
Ang programang ito ay dapat na paunlarin sa pakikipagtulungan ng Department of Health at local government units.
Ang mga LGU, sa pamamagitan ng kanilang mga lokal na eksperto sa kalusugan, ay dapat na regular na bisitahin ang lahat ng senior citizen sa kanilang nasasakupan upang matiyak na sila ay makatatanggap ng malusog na diyeta na naaayon sa nilalayon ng programa at angkop para sa kanilang estado ng kalusugan.
Samantala, binigyang-diin ni Go na ang mga matatanda ay ilan sa bulnerableng miyembro ng lipunan at dahil dito, nangangailangan sila ng mas mataas na antas na pangangalaga.
“The more na pangalagaan po natin ang ating mga senior citizens. Sila po ‘yung matatanda na, sila po ‘yung vulnerable,” ani Go.
“Tayong mga Pilipino po ay family-oriented tayo. Nasa kultura na natin na inaalagaan talaga natin ang ating mga lolo at lola. Hindi katulad sa ibang bansa iniiwan na lang po sa home for the aged. Tayo, hanggang sa pagtanda usually sinasamahan talaga natin ang ating mga lolo’t lola,” ayon kay Go.
Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pagtiyak sa kanilang pangkalahatang kalusugan sa pamamagitan ng wasto at kumpletong nutrisyon.
“Bigyang halaga natin ang kalusugan ng bawat isa. Hindi lang po ng ating mga senior citizens, kung ‘di ng bawat Pilipino lalung-lalo na po ‘yung mga mahihirap,” aniya.
Nauna rito, co-authored si Go ng Republic Act No. 11916 na nag-amyenda sa RA 7432 para taasan ang monthly pension allowance ng senior citizen mula P500 hanggang P1,000. Ang nasabing pagtaas ay para masuportahan ang kanilang pangunahin at medikal na pangangailangan.
Sa ilalim ng batas, ang buwanang stipend ay ibibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa anyo ng cash, direct remittance, electronic transfer, o iba pang paraan ng paghahatid, alinman ang mas maginhawa sa benepisyaryo. RNT
February 7, 2023 @12:43 PM
Views: 16
MANILA, Philippines – Nilahukan ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez ang aktibidad ng lokal na pamahalaan na may temang “Takbo at Indak para sa Malusog at Masiglang Parañaqueños” na bahagi ng selebrasyon ng 25th cityhood anniversary ng lungsod sa Pebrero 13.
Sa pagsisimula ng programa ay nakisabay sa sayawan si Olivarez sa mga ‘Zumba ladies’ na ginanap sa Manila Memorial Part in Sucat Road, Parañaque nitong Linggo.
Makaraang makipag-indakan sa mga Zumba ladies ay lumahok naman si Olivarez sa mga ‘sports enthusiasts’ sa isinagawang fun run kung saan nagwagi ito sa 5-kilomoter race division.
Nagpasalamat naman si Olivarez na isa ring fitness enthusiast sa mga lumahok sa pagsasagawa ng fun run at zumba na ilan lamang sa mga inilatag na programa ng lokal na pamahalaan at bahagi rin ng cityhood anniversary ng lungsod.
Binigyang-diin din ni Olivarez ang importasya ang pagiging malusog ng katawan at pagka-physically fit ng isang indibidwal kung saan nagbigay din ito ng surpresang regalo sa anim na nagwaging kalahok ng fun run at lima namang sumali sa Zumba.
Kaugnay nito ay is pang fitness activity para sa mga siklista at bike riders ang isasagawa sa Ayala Malls, Manila Bay sa darating na Pebrero 11 na mayroon namang temang “Padyak Parañaque sa Kalusugan”.
Bukod sa mga nabanggit na aktibidad ay marami pang inilinyang programa ang lokal na pamahalaan para sa selebrasyon ng ika-25 Cityhood Anniversary ng lungsod sa darating na Pebrero 13. James I. Catapusan
February 7, 2023 @12:30 PM
Views: 23
MANILA, Philippines – Kinilala ng Department of the Interior and Local Government-National Capital Region (DILG-NCR) ang lungsod ng Muntinlupa sa isinagawang 2022 Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Audit Awards kamakailan.
Si Muntinlupa City Vice Mayor Artemio Simundac ang tumanggap ng certificate of recognition na ipinagkaloob ng DILG-NCR na iprinisenta naman nito kay Mayor Ruffy Biazon dahil sa pagkakatala ng lungsod ng mataas na 85 puntos sa 2021 Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Unit.
Kasabay sa pag-abot ng certificate of recognition ni Simundac kay Biazon ay tinanggap din ng alkalde ang tseke na nagkakahalaga ng P7 milyon bilang Seal of Good Local Governance (SGLG) Incentive Fund Subsidy.
Bukod kay Simundac, pinagnunahan nina DILG Secretary Benjamin Abalos, Jr. at DILG-NCR Regional Director Ma. Lourdes Austin ang naturang okasyon na dinaluhan din nina Muntinlupa Drug Abuse Prevention & Control Office (DAPCO) head Col. Florocito Ragudo at ni JC Fadrilan na siyang nagrepresenta naman para kay DILG-Muntinlupa Director Gloria Aguhar.
“To all my colleagues in the Muntinlupa Anti-Drug Abuse Council, Muntinlupa City Peace and Order Council and those in the Muntinlupa City government, congratulations for the continued implementation of programs for the security in our city as well as guiding every Muntinlupeño against illegal drugs,” ani Simundac.
Naghayag din ng pasasalamat si DILG Undersecretary for Local Government Marlo Iringan sa 17 local government units (LGUs) sa National Capital Region (NCR) dahil sa suporta at pagsisikap ng bawat lungsod upang matigil ang pamamayagpag ng ilegal na droga sa buong Metro Manila. James I. Catapusan