Fixer, kasabwat na empleyado arestado ng LTO

Fixer, kasabwat na empleyado arestado ng LTO

December 16, 2022 @ 1:04 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nahuli ng Land Transportation Office (LTO) nitong Huwebes, Disyembre 15 ang ilang mga hinihinalang fixer at mga kasabwat nito na mismong empleyado pa ng ahensya sa isinagawang entrapment operation sa Quezon City at Region 6.

Ayon sa LTO, nahuli ng pulisya katuwang ang kanilang ahensya sa Western Visayas, ang fixer na nag-aalok ng Certificate of Completion ng Theoretical Driving Course sa halagang P2,000.

Ang suspek ay may kasamang dalawa pang tauhan na mga empleyado ng LTO-accredited driving school.

Nasa himpilan na ng pulisya ang mga suspek na mahaharap sa kasong falsification sa ilalim ng Article 172 ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act (RA) 11032 o ang “Ease of Doing Business Law” na nag-aamyenda sa RA 9485 o “Anti-Red Tape Law.”

Ipinasara rin ang sangkot na LTO-accredited driving school habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Samantala, huli rin ang isang empleyado ng LTO at dalawa pang kasabwat sa ‘fixing’ activity sa Quezon City.

“This operation shows our seriousness in getting rid of fixers, especially those perpetrated by our own, and we will not condone this. Like I’ve said before, I have zero tolerance for corruption, and let this case be a strong warning to others,” pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade.

Naka-detain naman sa CIDU facility sa Camp Karingal, Quezon City ang mga suspek para sa mas malalim na imbestigasyon.

Nahaharap naman ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 11032, RA 3019 o “Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” RA 6713 o “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees,” at Article 210 o “Direct Bribery” at Article 315 o “Swindling/Estafa” sa ilalim ng Revised Penal Code. RNT/JGC