Manila, Philippines – Kinumpirma ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na maaaring makuha ang flesh-eating disease na ‘necrotizing fasciitis’ sa loob ng mga lugar na madaling mabuhay ang mga bacteria, tulad ng mga bilangguan.
Kasunod ito ng pagkamatay ng isang preso ng Manila City Jail (MCJ) noong Hulyo 8 dahil sa naturang flesh-eating disease.
Paliwanag ni Health Undersecretary Eric Domingo, ang necrotizing fasciitis ay nagmumula sa isang simpleng sugat lamang na na-infect ng napakaagresibong bacteria, at ang pinaka-common dito ay ang streptococcus na siyang kumakain at pumapatay sa tissue ng pasyente.
Very progressive at mabilis aniyang kumalat ang ganitong impeksyon at ilang araw lang ay maaaring makaapekto sa malaking bahagi ng katawan, kaya’t nagmimistulang naaagnas ang laman ng pasyente.
Nilinaw naman ni Domingo na hindi ito basta-basta nakakahawa at nakukuha kung madidikit o mahihipo mo ang isang taong mayroong ganitong sakit, ngunit madali itong makahawa, kung may sugat ka at madidikit ito sa infected na sugat ng pasyente.
Madali aniyang mabuhay ang bacteria sa isang lugar na di hygienic, kulob, mainit, at mamasa-masa, dahil doon nabubuhay ang mga bacteria, tulad ng mga bilangguan.
“Pag ang condition natin ay hindi hygienic lalo na kung congested area, kulob, mainit tapos yung moist syempre dyan nabubuhay yung bacteria so pag may sugat maari natin [ito] makuha,” ani Domingo, sa panayam sa radyo.
“Hindi po ito nakukuha sa ibang tao, hindi naihahawa, halimbawa, nahipo mo lang o naano mo lang…. unless na may sugat ka, at yung sugat mo ang na-infect,” aniya pa.
“Na-imagine naman natin ang kondisyon sa bilangguan, very congested at talagang madaling mabuhay ang mga ganitong bacteria,” dagdag pa niya.
Payo naman ni Domingo, makakaiwas sa ganitong sakit kung pananatilihing malinis ang lugar, at kinakailangan ring madalas maligo at nakakapagsabon araw-araw.
Ilan sa mga sintomas ng necrotizing fasciitis ay ang sugat na nagnanana, namumula, mainit sa pakiramdam at mabilis ang pagkalat.
Kinakailangan aniyang operahan ang ganitong klase ng sugat upang maalis ang mga infected na laman, at ang matitira na lamang ay ang mga healthy tissues.
Antibiotic ang ginagamit na panggamot sa naturang sakit, na kinakailangang idaan sa suwero upang direktang mapunta sa ugat ng pasyente at mas mabilis na umepekto.
Kinakailangan din aniyang matukoy kung anong klaseng bacteria ang dumapo sa sugat upang matukoy ang akmang antibiotic para dito.
Mabilis naman aniyang gamutin ang sugat, depende sa severity o kung gaano ito kalala.
Aminado naman si Domingo na posibleng maging mahal ang lunas sa sakit, depende kung ang bacteria na dumapo ay resistant sa antibiotic, dahil kinakailangang mamahaling antibiotic ang gamitin upang malunasan ito.
Madalas aniyang tamaan ng naturang sakit ang mga nakakatanda na hindi na masyadong nakakalakad, at di nagsi-circulate ang dugo, at yaong nananatili sa mga maiinit at maruruming lugar.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Domingo ang mga namamahala sa mga bilangguan na kumonsulta sa mga city health office at DOH, upang mabigyan sila ng payo kung paano mas mapapaganda ang hygiene and health conditions ng mga preso.
“Hindi naman sya nakakahawa easily from one person to another talagang yung sugat dapat at yung sugat ang ma-infect ng bacteria so hindi po sya yung nagkakaroon ng outbreak or epidemic usually isolated cases lang ito,” ayon pa sa health official. (Macs Borja)