Flights sa NAIA back-to-normal na sa pinalitan na UPS

Flights sa NAIA back-to-normal na sa pinalitan na UPS

January 22, 2023 @ 8:13 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Balik na sa normal ang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport, Linggo ng umaga, Enero 22 matapos maapektuhan ang walong flight dahil sa pagpapalit ng depektibong uninterruptible power supply (UPS) na nagdulot ng glitch noong Enero 1.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang temporary shutdown sa operasyon ay ipinatupad mula 4:20 ng madaling araw hanggang 5:23 ng umaga upang magbigay-daan sa maintenance activity sa Communications, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS-ATM) system.

“Ang problema nagkaroon ng parts replacement kaya kinakailangang i-shut down muna natin power dahil doon tumatakbo ‘yung kuryente papasok doon sa ATM [air traffic management] facilities,” ani CAAP spokesperson Eric Apolonio sa panayam ng DZBB.

Ani Apolonio, naglabas ang CAAP ng Notice to Airmen (NOTAM) na nag-aabiso ng pansamantalang pagkaantala sa operasyon.

“Well in-advise in advance kaya dapat nakapag-adjust na rin ‘yung mga concerned areas dahil na-issuehan na namin ng NOTAM,” aniya.

Ani Apolonio, balik-normal na ang operasyon 6:09 ng umaga sa paggana ng dalawang UPS. RNT/JGC