Floor price ng heated vapor at E-cigarrette, ikinatuwa ng DOH

Floor price ng heated vapor at E-cigarrette, ikinatuwa ng DOH

November 19, 2022 @ 1:25 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Ikinatuwa ng Department of Health ang mga alituntunin na inilabas ng Bureau of Internal Revenue na nagtatakda ng floor price para sa mga heated vapor at iba pang electronic cigarette items.

Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa paglulunsad ng primary care day sa Manaoag, Pangasinan na ang hakbang ay makakatulong sa pagsasaayos ng paggamit ng mga naturang produkto, lalo na sa mga nakababatang populasyon.

Ang paggamit ng vapes at e-cigarettes ay nakikita ng karamihan bilang mas ligtas na alternatibo sa tradisyonal na sigarilyo ngunit sinabi ng DOH na wala itong katotohanan.

Giit ni Vergeire, walang ebidensya na nagpapakita na ligtas na alternatibo sa sigarilyo ang vape o heated tobacco products.

“Sana ang mga kabataan ay huwag paniwalaan ito dahil ito pong vape is very harmful to your lungs and to your health,” sabi ng opisyal.

Hindi lamang ang pagbubuwis aniya ng heated tobacco products kundi maging ang alcohol at sweetened beverages ay isa ring magandang interbensyon at diskarte upang maisulong ang mas malusog na pamumuhay. Jocelyn Tabangcura-Domenden