Florida sapul na naman ng hurricane

Florida sapul na naman ng hurricane

November 11, 2022 @ 1:43 PM 2 weeks ago


FLORIDA, United States – Matapos ang pananalasa ng napakalakas na Hurricane Ian, sinalanta na naman ng Hurricane Nicole ang estado ng Florida nitong Huwebes, Nobyembre 10.

Sa kabila ng paghina nito bilang isang Tropical Storm, nagbigay pa rin ito ng malakas na hangin at ulan na nagpabaha sa mga lugar doon at nagdulot ng pagkasawi ng dalawang residente.

Dagdag pa, umabot sa 350,000 tirahan at establisyimento sa Florida ang nawalan ng kuryente sa pagtama ng naturang bagyo sa Atlantic Coast, malapit sa Vero Beach, Miami taglay ang lakas ng hangin na 75 milya kada oras.

“We’re ready and resources are available for the post-storm needs,” sinabi ni Florida Governor Ron DeSantis sa isang pulong balitaan.

“This is still a large storm and it is impacting much of the state. Winds are the main concern with Nicole,” dagdag pa niya.

Nawasak din ang ilang mga beachfront houses sa Wilbur-by-the-Sea sa timog ng Daytona Beach.

Sa huling ulat ng National Hurricane Center, kumikilos sa direksyong hilagang-kanluran ang Hurricane Nicole taglay ang lakas ng hangin na 70 kilometro kada oras.

Inaasahan na hihina pa ang bagyo sa susunod na dalawang araw habang kumikilos sa Georgia at Carolina. RNT/JGC