Floyd sabit sa scam

Floyd sabit sa scam

January 15, 2022 @ 2:02 PM 7 months ago


MANILA, Philippines – May nakatakdang laban si Floyd Mayweather, Jr., ito ay hindi sa ibabaw ng ring, kundi kasama niya ang isa pang grupo ng celebrities na haharap sa isang class-action lawsuit dahil sa pagkakasangkot bilang investors sa cryptocurrency “pump and dump” scam.

Kasama ni Mayweather si dating NBA player Paul Pierce at Kim Kardashian, kung saan kahaharapin ng boxer ang demanda na isinampa ng mga taga New York City noong Enero 7 sa District Court for the Central District Court of California, ayon sa ulat ng Wall Street Journal.

Ang Cryptocurrency company na EthereumMax diumano ay inakusahan ng pakikipagsabwatan sa mga celebrities upang palabasin ang isang “false and misleading” promotions na nagge-generate ng artificial interest sa cryptocurrency tokens.

Sa ulat ng CNBC, nawalan na ng halaga ang umano’y EthereumMax sa 97 percent simula pa noong Hunyo, 2021. Matatandaang, malakas na pino-promote ni Mayweather, 44, ang currency sa social media bago pa ang kanyang boxing exhibition kontra YouTube sensation Logan Paul.  Ang flashy American ay nagsuot pa ng trunks na may tatak ng naturang currency sa kanyang laban.

Isa rin si Pierce sa nag-promote nito sa social media account noong Mayo 2021 nang sibakin siya sa ESPN.

“Defendants strategy was a success. The misleading promotions and celebrity endorsements were able to artificially increase the interest in and price of the EMAX tokens…causing investors to purchase these losing investments at inflated prices,” ayon sa lawsuit. Pinabulaanan naman ng currency ang alegasyon. JC