Food Panda rider, sabog sa boga ng sekyu

Food Panda rider, sabog sa boga ng sekyu

April 1, 2021 @ 2:47 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

ILOILO CITY – Hindi inakala ng isang Food Panda delivery rider na ang pagpatong nito ng pagkain na kanyang idedeliber sa desk ng security guard ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos itong pagbabarilin ng huli kagabi sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Joemar Sanchez, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Bitoon, Jaro, Iloilo City.

Nadakip naman ang suspek na kinilalang si Argie Solis, security guard ng Malayan Bank, Quezon Street, Iloilo City at residente ng Laua-an, Antique.

Batay sa report ng Iloilo-PNP, dakong 7:30PM naganap ang krimen sa harap ng Malayan Bank sa Quezon at de Leons Sts., Iloilo City Proper.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, dumating ang biktima sa naturang lugar para magdeliber ng pagkain subalit pagbaba ng kanyang motorsiklo ipinatong nito sa desk ng guwardiya ang bitbit na pagkain.

Dahil dito nagalit ang suspek sa biktima dahil nabasa ang kanilang logbook na nauwi sa mainitang pagtatalo.

Pinayuhan ng iba pang sekyu na umalis na lang ang delivery rider pero pagtalikod nito ay may nasabi pa ang suspek na salita na hindi nagustuhan ng biktima at sa paglingon nito pabalik sa suspek ay rito na siya binaril.

Mabilis na binunot ng suspek ang kanyang baril at pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa dibdib at iba pang parte ng katawan na naging ng agaran kamatayan ni Sanchez.

Matapos ang krimen tumakas ang suspek patungo sa kanilang lugar sa Antique pero kalaunan at naaresto rin ng mga otoridad sa ginawang follow-up operation.

Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso laban sa suspek. Mary Anne Sapico


  •  
  •  
  •