‘Food poisoning’ ng mga estudyante, guro sa Occidental Mindoro iimbestigahan ng DepEd

‘Food poisoning’ ng mga estudyante, guro sa Occidental Mindoro iimbestigahan ng DepEd

October 11, 2022 @ 5:28 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Department of Education nitong Martes na iimbestigahan nito ang hinihinalang food poisoning incident sa San Francisco Elementary School sa Sablayan, Occidental Mindoro na naging mitsa ng pagkaka-sopital ng hindi bababa sa 90 estudyante at mga guro.

Sinabi ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na batay sa initial report na isinumite sa kanila, mayrong nagtitinda na pumasok sa paaralan nitong Lunes ng umaga na nagtinda ng lumpia at turon.

Halos 88 estudyante at anim na guro ang kumain ng pagkain at nanakit ang tiyan at nagsuka.

Sinabi ni Poa na iimbestigahan nila ang insidente base sa Department Order Number 8, series of 2007 ng DepEd na hindi pinapayagan ang outside vendors na magbenta ng pagkain sa loo ng paaralan.

“Hindi po tayo dapat pumapayag na may outside vendors na pumapasok sa ating mga paaralan para magbenta ng pagkain kasi nga po, gusto nating siguraduhin ‘yung kaligtasan at kalusugan ng mga bata sa schools. Kaya doon sa mga school canteens lang dapat at meron dapat silang sanitary permits and relevant health permits galing sa LGU,” pahayag niya sa press conference.

Nang tanungin kung mapaparusahan ang San Francisco Elementary School dahil dito, sinabi ni Poa na kailangan munang makumpleto ang imbestigasyon bago magsagawa ng desisyon.

“Mahirap magbigay ng impormasyon. Mahirap magsabi na may pananagutan ang school. We are still launching the investigation now. Tignan muna natin kung ano talaga ang nangyari,” aniya.

“Ngayon po, kumuha rin kami ng mga food sample para ma-determine kung alin ang cause ng food poisoning. Hinihintay pa po natin ang resulta,” patuloy ng opisyal.

Inihayag din ni Poa na sagot ng  local government unit ang hospital expenses ng mga biktima, na karamihan ay nakauwi na nitong Lunes habang ang estado ng mga nananatili sa ospital ay inaalam pa. RNT/SA