Food poisoning sa eskwelahan sa Iloilo, iniimbestigahan na ng DepEd

Food poisoning sa eskwelahan sa Iloilo, iniimbestigahan na ng DepEd

November 9, 2022 @ 5:42 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Iniimbestigahan na ngayon ng Department of Education – Western Visayas ang insidente ng hinihinalang food poisoning incident sa isang pampublikong paaralan sa Iloilo na nagresulta sa pagkasawi ng isang estudyante.

Nitong Miyerkules, Nobyembre 9 ay sinabi ng DepEd – Region 6 na nangyari nga ang naturang insidente noong Nobyembre 4 sa Pili National High School sa Ajuy, Iloilo na ikinaospital ng 15 estudyante at isa pa ang namatay dahil dito.

“Upon investigation, the deceased learner was first brought to Sara District Hospital and was advised to be admitted but refused to do so and went home,” pahayag ng Kagawaran.

“A few hours later, the learner’s condition got worse, and was rushed to Barotac Viejo District Hospital but was declared dead on arrival,” dagdag pa.

Sa ulat ng Schools Division Office ng Iloilo, sinabi nito na ang mga estudyante at mga guro ay kumain ng tanghalian sa loob ng silid-aralan ng mga dinalang pagkain ng mga ito.

Matapos nito ay nakaranas na ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang ilan sa mga estudyante nang sumunod na araw.

Agad na isinugod ang mga estudyante sa Barotac Viejo District Hospital.

Inatasan na ng DepEd Regional Office VI ang legal unit nito na magkasa ng mas malaliman pang imbestigasyon.

Nangako naman ang local government unit ng Ajuy na sasagutin nito ang hospital bills ng mga biktima at magpapaabot ng tulong sa pamilya ng nasawing estudyante. RNT/JGC