FOOD POISONING

FOOD POISONING

November 19, 2022 @ 11:10 AM 2 weeks ago


Pag-usapan natin itong food poisoning lalo pa’t mahaharap na naman ang marami sa atin sa kaliwa’t kanang mga kainan dahil sa Kapaskuhan, lalong-lalo na sa mga paaralan. 

 Nangyayari ang food poisoning kapag ang isang tao ay nakakain o nakainom ng kontaminadong pagkain o inumin na mayroong bacteriaparasitesviruses, o nakalalasong kemikal. Agad na mararamdaman ang matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka ng paulit-ulit, pagtatae, pananakit ng ulo, at nagreresulta din sa neurologichepatic at renal syndromes na maaaring humahantong sa kamatayan kapag pinabayaan.

 Sa mga malalaking kaso ng food poisoning sa ating bansa, kapabayaan ang maituturing na dahilan, sa parte ng mga indibidwal, ng mga magulang, ng mga opisyal ng paaralan at bayan o mga tanggapan kung saan ito naganap.

 Madali namang naiiwasan ang pagkalason sa pagkain. Ipinapayo na sa mga handaang pupuntahan, huwag agad damihan ang pagkuha ng pagkain, bagkus ay sumubo muna ng konti lamang at pakiramdaman ang lasa nito. Kung mayroong kakaibang nalasahan, ipagbigay alam agad ito sa may pasimuno ng handaan o sa mga waiter o waitress upang makagawa ng nararapat na aksyon. Ika nga, sa mga ganitong pagkakataon, dapat pairalin ang self instinct.

Lalo pang pag-iibayuhin ang paghihigpit ng mga awtoridad sa mga pagkaing ibinebenta sa loob at labas ng mga paaralan upang masiguro na malinis at ligtas ang mga ito. Dapat ay regular na naiinspeksyon ang mga lugar kung saan inihahanda ang pagkain, tubig na pinanggagalingan, at pati na rin ang kalinisan ng mga nagluluto at nagtitinda, hindi lamang sa tuwing kukuha o magre-renew ng sanitation permit kung mayroon man. Sa pagkakaalam natin, ordinaryong business permit lang ang hawak ng mga nagtitindang ito.