Food supply ‘di problema; kartel, hoarders, profiteers pahirap sa Pinoy – grupo

Food supply ‘di problema; kartel, hoarders, profiteers pahirap sa Pinoy – grupo

February 19, 2023 @ 1:11 PM 1 month ago


IGINIIT ng Malayang Konsyumer na walang problema sa suplay ng pagkain sa bansa dahil ang nakikita nilang nagpapahirap sa buhay ng mga pamilyang Pilipino ay ang kartel, hoarders at profiteers na silang pumipigil at nagmamanipula ng mga presyo sa mga inaaning produktong pang-agrikultura sa merkado.

Kasabay nito, nanawagan ang naturang consumer group sa Senado na agaran nang ipasa ang Senate Bill 1688 na inihain ni Senador JV Ejercito, na naglalayong maamyendahan ang RA 10845 o ang “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016”.

Ayon kay Atty. Simoun Salinas, tagapagsalita ng Malayang Konsyumer, sa ilalim ng Senate Bill 1688 ni Senator “The Good One”, ang mga nasa likod ng hoarding, profiteering, kartel at iba pang pang-aabuso sa merkado ng agri-products ay ituturing din bilang isang uri ng economic sabotage, na papatawan ng mas mabigat na kaparusahan.

Kung sinusuportahan nina Salinas ang panukalang ito ni Senator Ejercito, mariin naman nilang binabatikos at tahasang sinabi na dapat ibasura ang bersiyon ni Senator Lito Lapid na pagbabago sa RA 10845.

Sa Senate Bill 1812 na inihain ni Senador Lito Lapid, nais nitong maisama ang tabako at cigarette products sa hanay ng mga produktong agrikultura na mahigpit na babantayan sa ilalim ng nasabing batas.

Giit nina Salinas at Malayang Konsyumer Convenor Christian Real, ang mga amyenda sa Anti-Smuggling Law ay naglalayong mapabuti ang pagpapatupad niito, subalit dapat ay nakatuon sa mga pagkakasala na direktang apektado ang mga Pilipinong mamimili.

“Ang panukala ni Sen. Ejercito ang nagbibigay ng kongkretong batayan sa batas. Habang ang panukalang batas ni Sen. Lapid ay may ibang layunin. Hindi ito makatwiran, hindi napapanahon, at hindi nakatutulong sa mga konsyumer ng pagkain. Ang tabako ay nasa ibang kategorya ng mga non-essential, non-food products na hindi karapat-dapat sa proteksyon ng batas sa ilalim ng RA 10845,” giit pa ni Atty. Salinas.

Paalaala naman ni MK convenor Christian Real, ang smuggling ng mga pangunahing pagkain ay malaking problema, ngunit hindi umano ito ang tanging problema na dapat atupagin.

“May supply ka nga, tinatago naman at ipinagkakait sa merkado. Hindi nga smuggled ang food items, pero ang mahal naman ng presyo dahil kontrolado ng cartel at ng mga mapagsamantala at ganid na grupo,” pahayag ni Real.

“Kaya’t kailangan nating amyendahan ang batas upang parusahan ang mga iba pang pagkakasala. Habang ginagawa natin ito, huwag nating haluan ng mga kung anu-anong produkto tulad ng tabako at sigarilyo na walang lugar sa RA 10845,” dagdag pa ni Real. RNT