Food truck solusyon ng OVP sa malnutrisyon, gutom na estudyante

Food truck solusyon ng OVP sa malnutrisyon, gutom na estudyante

October 9, 2022 @ 2:55 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magpapakalat ng tatlong food trucks sa iba’t ibang paaralan sa buong bansa ang Office of the Vice President bilang tugon sa isyu ng malnutrisyon at gutom sa mga estudyante.

Sa isang statement, sinabi ni OVP Local Affairs and Special Programs Division chief Norman Baloro na ang “Kalusugan Food Trucks” na susunod sa 120-day feeding program menu ay pipwesto sa mga tinukoy na paaralan at institusyon na makatutugon sa pangangailangan ng mga komunidad na maraming batang nagugutom.

Ipatutupad ang programa katuwang ng Department of Education at National Nutrition Council ng Department of Health.

Matatandaan si Vice President Sara Duterte rin ang tumatayong Secretary ng DepEd.

Ani Baloro, ang tatlong food trucks ay ipinahiram sa OVP hanggang 2028 at ang mga ito ay idedeploy sa Luzon, Visayas at Mindanao.

“We target nine schools in a year, three schools each in Luzon, Visayas, and Mindanao, considering that 120 days is prescribed by National Nutrition Council,” dagdag pa niya.

Gagamitin rin ito na mobile kitchen kapag mayroong kalamidad bahagi ng disaster operations ng pamahalaan. RNT/JGC