Food vlogger tiklo sa marijuana

Food vlogger tiklo sa marijuana

February 22, 2023 @ 4:41 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nadakip ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang food vlogger kabilang ang kasama nito matapos isagawa ang buy-bust operation kaninang madaling araw, Pebrero 22 sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III, ang naaresto na sina Cassius Soriano at ang kasama nitong si Gian Kalvert Paz.

Base sa ulat, pasado alas-2:00 ng madaling araw nang isagawa ang drug operation sa Barangay Holy Spirit , Q.C.

Lumalabas na inaresto ang dalawa nang makipag- transaksyon sila sa isang pulis na bumili ng illegal na droga.

Nabatid na unang sumailalim sa surveillance ang mga suspek kasunod ng impormasyong nagbebenta sila ng ilegal na droga sa Holy Spirit at iba pang katabing barangay.

Inamin ni Soriano na gumagamit siya ng marijuana dahil sa kawalan ng tulog dahil sa kanyang trabaho bilang food vlogger.

“Pampatulog lang. Puyat lang at stress sa pang-eedit kaya kailangan ko rin ng pampakalma,” ayon sa suspek.

Nakumpiska sa dalawa ang 30 gramo ng damo.na nagkakahalaga ng P36,000 at buy-bust money.

Nakapiit na ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Jan Sinocruz